Pagpapalaya kay Chantal Anicoche, ipinanawagan sa Pilipinas at US
Nanawagan ang Bagong Alyansang Makabayan (Bayan) USA at Migrante USA para sa agarang pagpapalaya kay Chantal Anicoche, isa sa mga kabataang mananaliksik na pumunta sa Abra De Ilog, Occidental Mindoro noong panahon ng kapaskuhan. Kasalukuyan siyang nasa kustodiya ng AFP at nakadetine sa Camp Mateo Capinpin, Tanay Rizal.
Noong Enero 8 nagprotesta sa harap ng Department of Defense ang mga progresibong grupo sa pangunguna ng Karapatan upang kundenahin ang pambobomba ng pwersa ng militar sa Abra de Ilog at sa agarang pagpapalitaw kay Anicoche. Nagprotesta din ang mga progresibong grupo sa Boy Scout Circle sa Quezon City noong Enero 9.
Noong Enero 10, nagpunta si Antonio Tinio, kinatawan ng ACT Teachers Partylist, Liza Maza, mga myembro ng Migrante International, National Union of Peoples’ Lawyers at Karapatan Southern Tagalog sa Camp Capinpin, Tanay, Rizal upang kamustahin ang kanyang kalagayan, ngunit hindi sila pinahintulutan. Kasabay nito,naglunsad sila ng protesta sa labas ng kampo.
Sa US, sa parehong araw, nagprotesta ang mga myembro ng Bayan -USA Northeast at komunidad ng mga Pilipino sa labas ng upisina ng Philppine Consulate Sa New York City. Bago nito, nagapdala sila ng sulat kay ni Consul General Senen T. Mangelile upang mag-set ng pulong sa kanila upang igiit sa gubyerno ng Pilipinas na palayain si Anicoche mula sa kustodiya ng militar.
Naglunsad din ng signature campaign ang Bayan USA at Migrante USA para sa agarang pagpapalaya ni Anicoche at hustisya para kay Jerlyn at sa lahat ng biktima ng paglabag sa karapatang-tao sa Mindoro.
Si Anicoche, 24 anyos, ay gradwet ng BS Psychology sa University of Maryland, Baltimore County. Dati siyang lider ng Filipino American Student Association, organisasyon ng mga Pilipinong kabataan estudyante sa unbersidad. Naging aktibo siya sa kampanya para sa pagsasabatas ng Philippine Human Rights Act at pagsusulong ng karapatan ng mga katutubo at magsasaka sa Pilipinas.
Dahil sa walang tigil na pagkampanya ng mga organisasyon ng kabataan, mga nagsusulong sa karapatang-tao at komunidad ng mga Pilipino sa US na ilitaw si Anicoche ng AFP, napilitan ang 203rd IBde na maglabas na bidyo na “natagpuan” siya sa isang hukay, 500 metro ang layo mula sa pinangyarihan ng pambobomba noong Enero 8.
Ayon sa mga grupo, kaduda-duda ang kredibilidad ng bidyo na inilabas ng militar. Kita sa bidyo si Anicoche na takot, lito at istres habang may mga sundalo sa palibot niya na “naghahanap” ng bomba at baril at tinatanong ang kanyang pagkakakilanlan. Anito, nakakabahala ang mga sinasabi ng mga sundalo sa bidyo dahil maari itong gawing batayan para sampahan siya ng gawa-gawang kaso tulad illegal possession of firearms and explosives. Dagdag dito, kung totoong nakita siya malapit sa pinangyarihan, bakit inabot ng isang linggo bago siya nakita? At bakit hinaharang ng militar ang fact-finding mission ng mga organisasyon para sa karapatang tao na maglunsad ng sarili nilang imbestigasyon? Sa ngayon, tumatanggi ang militar na bitiwan siya dahil siya daw ay isang “person of interest” sa insurhensya.
Hindi din dapat isantabi ang posibilidad na matagal nang hawak ng militar si Anicoche, na palabas lamang ang laman ng bidyo at inilabas ito dahil sa malawakang internasyunal na atensyon hinggil sa kanyang pagkawala. Makatwiran ang kanilang pag-aalala para sa kaligtasan ni Anicoche laluna’t may deka-dekada nang rekord ng paglabag sa karapatang-tao ang AFP. Kabilang dito ang pagtatanim ng ebidensya para makapagsampa ng gawa-gawang kaso, paliwanag Bayan USA at Migrante USA.
Ayon sa Migrante International, dapat tapusin na ng AFP ang pagpapanggap nito bilang “tagapagligtas” ni Anicoche at irespeto ang kanyang karapatan na kumonsulta sa abugado hinggil sa kanyang detensyon. “Hindi siya dapat ipailalim sa kahit anong porma ng tortyur, interogasyon, pagbabanta, panggigipit at intimidasyon ng kahit anong yunit ng AFP.”
Nanawagan naman ang grupong Karapatan sa Commission on Human Rights at independyente at internasyunal na organisasyon na maglunsad ng independyenteng imbestigasyon sa kalagayan ni Anicoche at sa naganap na paglabag sa karapatang-tao noong bagong taon sa Abra de Ilog.