Balita

Pagtaas ng matrikula sa UST, binatikos ng mga kabataang Tomasino sa unang araw ng klase

,

Nagprotesta ang mga estudyante ng University of Sto. Tomas (UST) sa pangunahing kampus nito sa Sampaloc, Manila noong Enero 14, unang araw ng ikalawang semestre, para batikusin ang tuition and other fees increase (TOFI) sa unibersidad. Pinangunahan ang pagkilos ng Panday Sining, Anakbayan, League of Filipino Students, Student Christian Movement of the Philippines at Kabataan Partylist na nakabase sa UST.

Sa kanilang pahayag, sinabi ng mga pambansa-demokratikong grupo na sumapit na ang bagong taon ngunit nananatili ang “lumang kalakaran” sa loob ng unibersidad na nagpapabigat sa mga Tomasino. “Sa halip na maging bukal ng pag-asa, nananatiling mapait na katotohanan ang TOFI na taun-taong nagpabigat sa kabataang Tomasino,” ayon sa pahayag. Nakapagtataas ng singil ang UST at iba pang pribadong unibersidad sa pahintulot ng Commision on Higher Education (CHED).

Noong nakaraang akademikong taon sa UST, pumalo sa 6% ang pagtaas sa matrikula, at para sa akademikong taon ng 2023-2024 ay nahaharap ang mga estudyante sa pagtaas na aabot sa 4%-10% depende sa kolehiyo. “Hindi maikakaila na ang ganitong patuloy na TOFI ay nagpapabigat sa mga Tomasino, lalo na sa mga estudyanteng may magulang na lubos na apektado ng krisis pang-ekonomiya,” anang mga grupo.

Dagdag ng mga ito, bumulaga sa mga estudyante ngayong ikalawang semestre ang mataas na downpayment na kailangang bayaran upang makapag-enroll na anang mga grupo ay “malinaw na hakbang ng unibersidad upang siguruhin ang kapital sa pamamagitan ng labis na paniningil.” Hindi rin pahihintulutan ang mga estudyanteng lilipat ng paaralan na mabawi ang naturang kabayaran.

Liban dito, mayroon ding sinisingil ang UST na “late enrollment fee” na pinalalala pa ng masalimuot at burukratikong proseso ng pagkuha ng tinatawag ng unibersidad na “mental health clearance.” Nagiging sanhi ito ng pagkaantala sa enrollment na nagtutulak sa kanilang magbayad ng dagdag na bayarin.

Kinundena ng mga grupo ang paggamit sa “konsultasyon” para bigyang katwiran ang taas-matrikula. Anila, naging pormalidad lamang ang mga ginawang konsultasyon dahil wala itong aktibong partisipasyon ang mga estudyante.

Sa harap ng tumataas na singil sa matrikula, lumilitaw na hindi naman sinusunod ng UST ang tamang alokasyon ng pondo na nakokolekta mula rito. Batay sa kasunduan, 70% ng tuition fee increase ay dapat mapunta sa mga guro at non-teaching staff, habang 30% ay nakalaan dapat para sa pasilidad.

“Gayunpaman, sa kabila ng halos ₱214 milyon na tuition fee increase noong AY 2023-2024, hindi pa rin natatanggap ng mga guro ang kanilang nararapat na bahagi,” dagdag ng mga ito. Nananatiling nakabimbin ang bagong Collective Bargaining Agreement (CBA) at unyon ng mga guro dahil ayaw ibigay ng UST ang makatarungang kahingian ng unyon.

Binatikos rin ng mga grupo ang kakulangan ng mga espasyong pang-akademiko sa loob ng unibersidad na nagiging hadlang sa epektibong pag-aaral ng mga estudyante. Anang mga grupo, ipinakikita ng mga iskemang ito ng UST ang komersyalisadong sistema ng edukasyon sa bansa, kung saan higit na binibigyang priyoridad ang kita kaysa sa karapatan ng mga estudyante sa abot-kayang edukasyon.

Panawagan nila sa mga kapwa Tomasino na huwag palampasin ang mga mapagsamantalang patakaran ng UST na malinaw na sumasalungat sa kanilang ipinagmamalaking core values ng “compassion, competence, at commitment. “Panahon na upang magkaisa at kundenahin ang sistemang ito…ang kabataang Tomasino ay may karapatang lumaban para sa makatarungang edukasyon!” anila.

AB: Pagtaas ng matrikula sa UST, binatikos ng mga kabataang Tomasino sa unang araw ng klase