Pagtatanggal ng Sulu sa BARMM, magpapahina sa pagkakaisa ng mamamayang Moro
Ikinadismaya ng lider-Moro na si Amirah “Mek” Lidasan ang desisyon noong Setyembre 9 ng Korte Suprema na naghihiwalay sa prubinsya ng Sulu sa binuong Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM). Idinahilan ng korte ang paghihiwalay sa resulta ng pagboto ng mga residente dito ng “no” sa Bangsamoro Organic Law (BOL) noong 2019 na nagtatag sa BARMM. Sa kabila ng botong ito, isinama pa rin ang prubinsya sa BARMM. Sa gayon ibinalik ng Korte Suprema ang pamamahala ng Sulu sa pambansang gubyerno sa ilalim ng Region IX (Zamboanga Peninsula).
“Ang desisyong ito ay nagsisilbi sa interes ng mga pulitiko at dinastiya na makikinabang sa pagpapahina sa Bangsamoro,” pahayag ni Lidasan noong Setyembre 10. “Ipinanatili din nito ang pambansang pang-aapi at pinatatampok ang pangangailangan para makibaka para sa tunay na kalayaan at pagpapasya-sa-sarili.”
Aniya, ang hindi pagsama sa Sulu, ng mamamayan at mga rekurso nito sa binuong BARMM ay lalong magpapahina sa pagkakaisa ng mga Moro, at taliwas sa diwa ng orihinal na panukalang nagtulak para sa pagbubuo ng Bangsamoro.
“Ang identidad ng Bangsamoro ay malalim na nakaugat sa pagkakaisa ng mamamayang Moro at sa kanilang nagpapatuloy na pakikibaka laban sa pambansang pang-aapi na lagpas sa mga hakbang sa lehislatura tulad ng Konstitusyon ng Pilipinas at ng pinalabnaw na BOL,” aniya. “Ang mga kahinaan ng BOL, tulad ng ipinakita sa pagtatanggal sa Sulu (sa BARMM), ay nagpapatampok sa pangangailangan ng mas masaklaw (inclusive) at kumprehensibong tugon sa pakikibakang Moro.”
Tinawag din ng ibang lider-Moro ang desisyon bilang “malaking dagok” sa pag-iisa ng rehiyon.
“Ang kwento ng magigiting na mandirigma ng Sulu ay bahagi ng naratiba ng Bangsamoro. Maraming bayani at mujahideen mula sa Moro National Liberation Front ay galing sa lalawigan ito,” ayon sa gubernador ng Basilan na si Mujiv Hataman.
Ang desisyon ay tugon sa petisyon na isinampa noong 2019 ni Abdusakur Tan Sr, noo’y gubernador ng Sulu. Isinulat ito ng Senior Associate Justice Marvic Leonen na dating punong negosyador ng Gubyerno ng Pilipinas sa pakikipag-negosasyon nito sa Moro Islamic Liberation Front (MILF). Pero noong Abril, pumaloob si Tan sa BARMM Grand Coalition na lalahok sa kauna-unahang eleksyon ng BARMM sa susunod na taon. Kakalabanin ng koalisyon na ito ang United Bangsamoro Justice Party na dominado ng MILF. Dulot ng desisyon, hindi na maaaring lumahok sa eleksyong BARMM ang Sulu at mga lider mula rito.
Sa ngayon, sakop lamang ng BARRM ang Basilan, Lanao del Sur, Maguindanao del Norte, Maguindanao del Sur, at Tawi-Tawi.