Pagtutol sa pagmimina sa Nueva Viscaya, lumalawak
Matapos ang marahas na pagbuwag ng PNP sa barikada na itinayo ng mga residente ng Dupax del Norte noong Oktubre 17, lumawak ang pagkakaisa at lumakas ang pagtutol ng mamamayan sa pagmimina ng Woggle Corporation sa Nueva Viscaya. Sunud-sunod na naglabas ang mga lokal na gubyerno sa prubinsya ng mga resolusyon laban sa pagmimina. Gayunpaman, nananatiling mapagbantay ang mga residente sa posibleng kontra-hakbang ng dayuhang kumpanya.
Noong Oktubre 20, naglabas ng resolusyon ang lokal na gubyerno ng Bayombong noong Oktubre 20 kung saan mariin nitong tinutulan ang eksplorasyon ng mineral at lahat ng porma ng pagmimina sa kanilang teritoryo. Bahagi ito ng kanilang pagtatanggol sa kalikasan, kalusugan at sustenableng pag-unlad sa kanilang bayan. Sa sumunod na araw, Okubre 21, muli namang pinagtibay ng lokal ng gubyerno ng Aritao ang patakaran nitong ‘zero-mining zone’ alinsunod sa inilabas na Executive Order No. 57 at Municipal Resolution No. 2025-247.
Noong Oktubre 22, naglabas ng resolusyon ang Barangay Munguia na nagdeklara sa mga ahente, empleyado at upisyal ng Woggle Corporation bilang persona-non-grata o hindi tanggap ng kanilang komunidad. Bahagi ito ng kanilang pagkundena sa ginawang pagputol ng kumpanya sa mga puno sa kanilang barangay nang walang permit mula sa DENR at pagpupumilit sa planong eksplorasyon at iba pang aktibidad. Nakasaad sa resolusyon na ang mga hakbang ng kumpanya ay “pambabastos sa awtoridad ng mga upisyal at sa kahilingan ng mga residente.” Nanawagan ang konseho sa mga residente, institusyon at mg grupo na huwag suportahan ang operasyon ng Woggle Corporation. Ang Munguia ay isa sa limang barangay na saklaw ng planong eksplorasyon ng kumpanya.
Bago nito, naglabas ang League of Municipalities of the Philippines (LMP)-Nueva Viscaya Chapter ng Resolution No. 2025-16 noong Oktubre 8, na nagpapahayag ng mariing pagtutol sa lahat ng ‘pending’ at susunod na aplikasyon para sa eksplorasyon at anumang porma ng pagmimina sa prubinsya. Pero ayon sa mga grupong pangkalikasan, ang sinaklaw ng resolusyong ito ay ang mga kumpanyang mag-a-aplay pa lamang at hindi ang mga kumpanyang kasalukuyan nang nagdarambong sa rekurso at kalikasan ng prubinsya tulad Oceanagold Philippines Inc. at FCF Minerals Corp.
Ang Oceanagold Philippines Inc. ay 80% pagmamay-ari ng OceanaGold Corporation, kumpanyang nakabase sa Canada. Ang FCF Minerals Corp. at Woggle Corporation ay kumpanyang pagmamay-ari ng Metals Exploration plc, kumpanyang nakabase sa London, United Kingdom.