Balita

Pambansang asembliya ng maliliit na mangingisda, inilunsad

,

Inilunsad ngayong araw, Pebrero 4, ang Pambansang Kumperensya ng Maliliit na Mangingida para iparating ang nagkakaisang pagtutol ng mga mamamalayaka sa desisyon ng Korte Suprema na pahintulutan ang malalaking kumpanya na mangisda sa municipal waters.

Kabilang sa mga kalahok ang Pamalakaya, Pangisda at Visayas Sea Fisherfolks Alliance. Kasama nila ang Katipunan ng mga Kilusan ng mga Artisanong Mangingisda sa Pilipinas (KKAMPI), Pambansang Katipunan ng mga Samahan sa Kanayunan (PKSK), Samahan ng mga Maliliit na Mangingisda Aniban ng Manggagawa sa Agrikultura (SAMAMA-AMA), Pambansang Kilusan ng mga Samahang Magsasaka at Mangingisda (PAMANGKA-PAKISAMA), Philippine Alliance of Tuna Handliners for Sustainability (PATHS), Tanon Strait Fisherfolks Alliance, and Visayan Sea Fisherfolk Alliance.

“Sa pambihirang pagkakataon, magsasama-sama ang iba’t-ibang grupo ng maliliit na mangingisda sa nagkakaisang panawagan na protektahan ang 15-kilometrong munisipal na pangisdaan mula sa mga malalaking negosyante. Magiging makabuluhan ang pagtitipon na ito dahil pag-iisahin ng mga maliliit na mangingisda ang iba’t-iba naming karanasan sa panghihimasok ng mga commercial fishing sa aming pook-pangisdaa,” pahayag ng Pamalakaya.

Isinagawa ang asembliya para magkaroon ng koordinadong tugon at palakasin ang boses ng mga mangingisda para sa pagtatanggol at paggigiit sa kanilang mga karapatan.

“Muli naming pinagtitibay ang aming paninindigan na dapat panatilihin ang eksklusibong karapatan ng maliliit na mangingisda sa municipal waters. Hindi dapat papasukin dito ang mga commercial fishing dahil sa pinsalang dulot nito kapwa sa kabuhayan ng maliliit na mangingisda at yamang-dagat,” pahayag ni Ronnel Arambulo, pangalawang tagapangulo ng Pamalakaya at kandidato pagkasenador ng Makabayan.

Ayon sa PAMALAKAYA, ibinukas ng Korte Suprema ang humigit-kumulang 90% ng municipal waters sa pagsasamantala ng malalaking kumpanya ng pangingisda. Ang nasabing desisyon ay magpapahintulot sa mga komersyal na mangingisda na lumampas sa municipal waters at mas malalim sa pitong “fathom” (katumbas ng 12.8 metro). Sa gayon, tanging 10% lamang ng municipal waters ang mas mababa sa pitong fathoms ang lalim.

Liban sa mga katubigang tabang, sakop ng municipal waters ang karagatang 15 kilometro mula sa baybay.

AB: Pambansang asembliya ng maliliit na mangingisda, inilunsad