Balita

Pambobomba ng hunta militar ng Myanmar sa gitna ng trahedya ng lindol, kinundena

,

Mariing kinundena ng mga internasyunal na grupo sa karapatang-tao ang tuluy-tuloy na pambobomba ng huntang militar ng Myanmar sa gitna ng dinaranas ng mamamayan nito na trahedya dala ng lindol. Nagdulot ng malawakang pinsala sa bansa ang tumamang lindol na may intensidad na 7.7 noong Marso 28. Pinakaapektado ang mga rehiyon ng Mandalay, Sagaing, Magwe, Bago at Naypyitaw, gayundin ang northeastern Shan State.

Lampas 2,000 na ang nahukay na patay mula sa mga gumuhong gusali at hindi pa nabibilang kung ilan ang nawawala. Maraming lugar ang hanggang ngayon ay mahigpit na nangangailangan ng tulong.

Sa kabila nito, walang awat ang pambobomba ng hunta militar sa Mandalay, Sagaing at Shan State, mga rehiyon kung saan malakas ang armadong paglaban sa hunta. Isa sa pinakamasahol ang aerial bombing sa bayan ng Naungcho sa hilagang bahagi ng Shan ilang oras matapos ang lindol, kung saan napatay ang pitong myembro ng Danu People’s Liberation Army, isang armadong grupo ng katutubong mamamayang Danu.

Nagpahayag si Tom Andrews, ang UN Special Rapporteur para sa Myanmar, ng labis na pagkadismaya na inuuna pa ng Tatmadaw ang pambobomba kaysa sa mga operasyong reskyu. Hinimok niya ang Tatmadaw na kagyat na itigil ang mga operasyong militar nito.

Nag-aalala rin ang maraming makataong grupo na gagamitin ng Tatmadaw ang makataong ayudang na bumubuhos ngayon sa bansa para gipitin ang mga mamamayan sa mga lugar kung saan may matinding paglaban.

Samantala, agad na nagdeklara ang mga armadong grupo ng iba’t ibang katutubong mamamayan ng 2-linggong tigil-putukan para bigyan-daan ang mga operasyong reskyu at pagpasok ng tulong sa apektadong mamamayan.

AB: Pambobomba ng hunta militar ng Myanmar sa gitna ng trahedya ng lindol, kinundena