Balita

Pamimili ng boto, abuso sa pampublikong rekurso, Red-tagging at pagpalya ng makina, lalong lumalaganap habang papalapit ang eleksyon

,

Habang papalapit ang araw ng botohan, dumarami ang palatandaan na ang darating na eleksyon ang magiging isa sa pinakamarumi at madugo sa nakaraang huling mga eleksyon. Laganap ng pagbili ng boto, Red-tagging, karahasan, pre-shading ng mga balota at di maayos na paggana ng mga automated counting machine at iba pang paglabag sa alituntunin ng eleksyon.

Mismong ang Commission on Elections ang nag-ulat ng pagdami ng mga reklamo kaugnay sa vote buying at abuse of state resources (ASR) o paggamit ng rekurso ng estado ng mga pulitiko para sa kani-kanilang pangangampanya. Pagpasok ng Mayo, nakatanggap ang Commitee on Kontra Bigay ng 309 ulat. Nakikita ng ahensya na mas dadami pa ang mga ito habang papalapit ang araw ng botohan. Pinakakaraniwan na ASR ang pamimigay ng pera, gamit, membership card, at maging ayuda, laluna ng mga kandidatong kasalukuyang nakaupo sa pwesto. Pinakamarami ang naiulat sa Calabarzon, Central Luzon, at Metro Manila, partikular sa Laguna, Marikina, Rizal, Bulacan at Pampanga.

Di bababa sa 84 na kandidato ang pinadalhan ng Comelec ng “show cause order” para magpaliwanag ng mga ulat kaugnay sa ulat ng kanilang vote-buying. Pinakamalaki sa mga ito ang anak ni Manny Villar na si Camille, meyor ng Santiago City na si Sheena Tan-Dy, kongresista ng Marikina na si Stella Quimbo, at mga magkakalabang kandidato sa Manila na si Isko Moreno at Honey Lacuna. Napakarami pang naglipanang larawan at bidyo sa mga social media platform na nagpapatunay sa tindi ng panunuhol hindi lamang ng mga pulitiko, kundi pati ng kanilang mga partidong tumatakbo sa sistemang party-list.

Lumalaki rin ang pangamba sa paggamit ng ACM, kakambal ng bagong patarakan ng Comelec na ilagay sa 15% ang “ballot shading threshold.” Ibig sabihin, kahit 15% lamang ang nalagyan ng marka sa balota ay ituturing na itong boto.

Sa isang test run ng mga ACM sa Davao City, lumitaw ang mga “inconsistency” ng mga makina tulad ng hindi maayos na pagbilang ng mga boto na may tsek, ekis o tuldok. Ibinilang ng makina bilang balido ang mga balotang may ibinotong 13 senador. May ilang makinang tinanggap ang mga balotang may maliit lamang na shade, mayroon namang itinuring itong hindi balido.

Itinatanggi ng Comelec na naglabas ito ng mga “pre-shaded” na mga balota, pero lumitaw pa rin ang mga ulat na umiiral ang mga ito, tulad ng inireklamo ng mga residente sa Plaridel, Misamis Occidental.

Lumitaw rin ang Red-tagging bilang isa sa pinakamalalang paglabag sa alintutunin ng eleksyon. Sa kabila ng desisyon ng Korte Suprema na nagsasabing mapanganib ito sa buhay, seguridad at kalayaan ng isang indibidwal, walang tigil ang pangre-Red tag laban sa mga makabayan at progresibong kandidato. Nasa likod nito ang NTF-Elcac, militar, pulis at ng pangunahing mga tagasuporta ni Rodrigo Duterte.

Noong Abril, sinampahan ng Koalisyong Makabayan ng kaso ang executive director ng NTF-Elcac na si Ernesto Torres Jr dahil sa paulit-ulit niyang pangre-Redtag at paninira sa koalisyon at mga kandidato nito. Ayon sa Makabayan, nagkakalat ng walang basehang mga akusasyon si Torres sa layuning takutin at patahimikin ang mga kandidato nito na malinaw at malakas na bumabatikos sa mga anti-mamamayan at pasistang hakbang ng rehimeng Marcos at AFP.

Dumarami rin ang naitalang mga insidente ng “election-related violence.” Nitong Mayo, nakapagtala na ng 26 gayong insidente ng karahasan ang mga pulis, kung saan 19 ang may napatay. Marami sa mga insidenteng ito ay naganap sa Mindanao at sa Cordillera. Kabilang mga insidenteng ito ang mga pag-ambus, pamamaril at pang-aatake sa mga kandidato, kanilang tagasuporta at sibilyan.

Sa buong bansa, nananatiling mataas ang bilang ng mga lugar na itinuturing na “hot spot” o may potensyal na pagsiklab ng karahasan. Dulot ito ng pananatili ng mga pribadong hukbo ng mga pulitiko, gayundin ng pagkakampihan ng mga grupo sa loob ng militar at pulis sa kani-kanilang pangkating pampulitika.

AB: Pamimili ng boto, abuso sa pampublikong rekurso, Red-tagging at pagpalya ng makina, lalong lumalaganap habang papalapit ang eleksyon