Panagutin ang rehimeng Marcos sa kainutilan sa gitna ng sakuna—People Surge
Kinundena ng alyansang People Surge ang rehimeng Marcos sa kainutilan nitong tugunan ang malawakang epekto ng bagyong Kristine sa nagdaang mga araw. Pinakaapektado ng bagyo ang Bicol, Calabarzon, Metro Manila, Ilocos, Cordillera, Cagayan, at Samar.
Ayon sa People Surge, pambansang alyansa ng mga tagapagtaguyod ng karapatan ng mga nakaligtas sa mga sakuna, walang laman ang ipinagmalaki ng rehimeng Marcos na bilyun-bilyong pondo para sa pangangasiwa ng baha at mga programa sa climate change mitigation. “Dagdag pa, patuloy na itinataguyod ng administrasyong Marcos ang mga patakaran at proyektong nakasisira sa kalikasan tulad ng malawakang pagmimina at pagkukuwari, at reklamasyon,” pahayag ni Eco Dangla, tagapagsalita ng grupo.
Sa anunsyo ngayong araw, Oktubre 27, ng Office of Civil Defense (OCD), umabot na sa 85 ang bilang ng mga namatay dahil sa pananalasa ng bagyo, habang mayroong 41 indibidwal ang hindi pa natutunton. Hindi naman bababa sa 70 ang nasugatan.
Sa tala ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), tinatayang 1.42 milyong pamilya o higit 5.8 katao ang naapektuhan ng paghagupit ng bagyo. Dahil dito, isinailalim na ang 158 syudad at bayan sa “state of calamity” sa buong bansa.
Lubha ring napinsala ng bagyo ang mga imprastruktura. Hanggang sa kasalukuyan, 218 daanan at 40 tulay ang hindi madaanan. Nasira naman ang higit 38,000 mga eskwelahan sa bansa. Samantala, umabot na sa ₱1.43 bilyon ang danyos sa sektor ng agrikultura.
Tinukoy ng People Surge na sa pagkukwari pa lamang, mayroong tinatayang 591 permit na ibinigay sa mga kumpanya sa buong bansa. Naniniwala ang grupo na mas malaki pa dito ang aktwal na mga operasyon ng kwari sa bansa na nakaapekto sa pagguha ng lupa at malawakang pagbaha.
Pagdidiin ni Dangla, pinalulubha nito ang dati nang marupok na kalikasan ng bansa na nagresulta sa mas matindi pang mga sakuna at maramihang pagpapalayas laluna sa mga mahihirap na sektor tulad ng mga magsasaka, mangingisda at maralitang tagalunsod. Dagdag pa niya, lantad na lantad rin umano ang ginagawa ni Marcos at kanyang mga alyado na pagtitiyak ng burukratikong kikbak sa panahon ng sakuna.
“Sa harap ng mga kapalpakang ito, hinihingi namin ang kagyat na kaginhawaan, ayuda at kumpensasyon sa mga biktima ng sakuna,” ayon kay Dangla. Hindi dapat umano nakatali ang mga tulong na ito sa iskema ng insurance na lalo pang nagpapahirap sa mga Pilipino.
Nanawagan rin si Dangla sa mga kapwa Pilipino na magkaisa at magbuo ng mga kilusan para manawagan ng tulong at ayuda sa mga nakaligtas sa mga sakuna. “Sa pamamagitan lamang ng kolektibong aksyon natin mahaharap ang tumitinding mga bagyo na bunga ng pagbabago ng klima at palayain ang sarili mula sa isang gubyerno na umiiral sa isang burukrata-kapitalistang sistema,” ayon kay Dangla.