Balita

Panawagan ng bagong tatag na network ng mga konsyumer sa Davao: ROLBAK!

,

Inilunsad ng hindi bababa sa 25 organisasyon ng mga manggagawa, manininda, maralitang lungsod, relihiyoso, akademiko at iba pang demokratikong sektor sa Davao ang Rolbak Network noong Oktubre 3 sa Davao City. Layunin ng bagong tatag na network na bantayan ang nagtataasang presyo ng mga batayang bilihin at ipaglaban ang ekonomikong kagalingan at karapatan ng mga konsyumer sa rehiyon.

“Nararamdaman nating lahat ang hirap na bunga ng pagtaas ng presyo ng mga bilihin. Ating suportahan ang tungkulin sa pagmumulat sa mamamayan kaugnay ng implasyon at epekto nito sa presyo ng mga produkto at serbisyo,” pahayag sa Facebook ni Pamela Librado, tagapagtipon ng network. Si Librado ay kilalang sumusuporta sa karapatan ng mga manggagawa at kababaihan nang nagsilbing konsehal sa Davao City sa nakaraan.

Kabilang sa mga organisasyong dumalo sa paglulunsad ng network ang Bayan Muna-Southern Mindanao. Anang Bayan Muna, bilang pakikiisa sa network ay ipagpapatuloy nila ang adbokasiya sa pagpapabasura sa value added tax (VAT), pagtanggal sa TRAIN Law at Oil Deregulation Law na nagtutulak pataas ng presyo ng mga bilihin at serbisyo.

Sinisingil ng grupo ang pambansang gubyerno sa harap ng nagtataasang presyo ng mga bilihin ang kabiguan nitong tuparin ang resonsibilidad sa ilalim ng Price Act. Balak ng grupo na isulong rin ang mga pag-amyenda sa naturang batas para bigyan ang masa ng “pag-alibyo sa matarik na pagtaas ng presyo ng mga bilihin.”

AB: Panawagan ng bagong tatag na network ng mga konsyumer sa Davao: ROLBAK!