Panggigipit sa lider unyonista sa Cavite, kinudena

,

Ginigipit ng mga armadong pwersa ng gubyerno, National Task Force-Elcac at kumpanyang Technol Eight Phils. ang lider-unyonistang si Mario Fernandez, ayon ito sa ulat ng Technol Eight Phils. Workers Union (TEPWU) ngayong araw. Nakatakdang pumasok ang TWPWU sa negosasyon para sa kanilang CBA (collective bargaining agreement) ngayong buwan.

Ang Technol Eight ay matatagpuan sa Laguna Technopark, Biñan, Laguna. Ang mga manggagawa dito ay gumagawa ng mga pyesang metal bahagi ng mga sasakyan. Ang unyong TEPWU ay itinatag noong Agosto 2019.

Ayon sa ulat ng unyon, may umaaligid na hindi kilalang lalaki sa harap ng bahay ni Fernandez sa Barangay Memije, General Mariano Alvarez, Cavite noong Agosto 16 nang gabi.

Nakita sa CCTV footage ng kanilang bahay na ilang minutong tumayo sa harap ng bahay ang naturang lalaki bago itinapon ang isang plastic na may laman na sim card at pera. Ayon sa ilang nakasaksi, mayroon umanong dalang baril ang lalaki.

Bago nito, pinuntahan ang bahay ni Fernandez noong Agosto 12 ng mga tanod ng barangay at mga ahente ng NTF-Elcac. Pinilit nila ang asawa at pamangkin ni Fernandez na pumirma at tumanggap ng isang sulat na para umano kay Fernandez. Hindi pumayag ang asawa ni Fernandez kaya’t napilitang umalis ang mga ahente ng NTF-Elcac at nagbantang babalik sila.

Liban dito, nauna nang naobserbahan ni Fernandez na mayroong sumusunod sa kanya pagkatapos umalis sa trabaho sa kumpanya ng Techno Eight Phils.

Si Fernandez ay naging pangulo ng TEPWU at katuwang ng mga manggagawa para ipanalo ang laban sa pagtataas ng sahod at benepisyo ng mga manggagawa, gayundin, ang regularisasyon ng 220 kontraktwal na empleyado.

Ayon sa unyon, nakikipagsabwatan ang kumpanya sa NTF-Elcac at nagbibigay ng impormasyon sa ahensya ng gubyerno kaugnay ng mga manggagawa. Ibinibigay umano ng kumpanya ang buong pangalan, mga pribadong impormasyon at tinutuluyang bahay ng mga ito.

Ayon sa unyon, ang sabawtan ng NTF-elcac, lokal na gubyerno at kumpanya ay tangka para “buwagin ang kanilang unyon para patuloy na pagsamantalahan ng Tehcnol Eight ang mga manggagawa.”

AB: Panggigipit sa lider unyonista sa Cavite, kinudena