Balita

Paniniil ng Cavite State University sa protesta ng mga estudyante, binigo

,

Militanteng naigiit ng mga estudyante ng Cavite State University (CvSU) ang kanilang karapatan na makapagprotesta sa loob ng kampus sa kabila ng paniniil ng administrasyon. Nakapagmartsa papasok sa pangunahing kampus nito sa Indang, Cavite ang mga grupo ng estudyante noong Marso 27 kasabay ng isinasagawang Malayang Diwa Festival para sa ika-119 anibersaryo ng CvSU.

Bago makarating sa kampus, sinarhan ng mga gwardya ang tarangkahan at hinarang ang martsa ng mga estudyante. Ayon sa CvSU-Kilos Na, layunin lamang ng kanilang pagkilos ang pagtatampok sa kinakaharap na isyu ng mga estudyante, instruktor, at mamamayan sa loob ng pamantasan at lipunan ngunit pinigil ito ng administrasyon.

Sa determinasyong makapagprogama sa loob ng CvSU, ginitgit at itinulak ng mga estudyante ang geyt hanggang sa nabuksan ito at nakapasok sila. Itinuloy nila ang kanilang sprograma sa bazaar ng mga estudyante sa Softball Field.

“Ang Malayang Diwa Festival ay sumisimbolo sa kalayaan ng bawat mamamayan. Ang tunay na pagpapalaya ay nasa pagpapalaya ng uri mula sa tanikala ng pagsasamantala,” pahayag ng Anakbayan-CvSU.

Samantala, kinundena ng grupo ang panghihimasok ng Cavite-PNP sa pamantasan sa kasagsagan ng protesta. Naitala ng grupo ang panghaharas ng mga pulis sa isang mag-aaral na nagdulot sa kanya ng matinding takot.

“Walang karapatan na makapasok ang sinumang armadong sangay ng gobyerno sa ating pamantasan,” ayon sa grupo. Bahagi umano ito ng pagtataguyod sa akademikong kalayaan at iba pang batayang mga karapatan ng mga estudyante.

Anang ng grupo, magpapatuloy ang kanilang pagkilos at pag-oorganisa para abutin ang mas maraming estudyante at talakayin sa kanila ang iba’t ibang isyu ng lipunan. Anila, tanging sa pagsusulong ng pamabansang demokrasya matatamo ng mamamayan ang tunay na kalayaang hinahangad ng bayan.

AB: Paniniil ng Cavite State University sa protesta ng mga estudyante, binigo