Panukalang badyet sa 2024 ng rehimeng Marcos, iniratsada

Isinagasa sa House of Representatives noong Setyembre 27 ng gabi ang General Appropriations Bill o panukalang pambansang badyet para sa 2024. Sa kontrol ng rehimeng Marcos Jr sa supermayorya ng kapulungan, 296 ang bumoto pabor sa panukala, habang ang tatlong kinatawan ng blokeng Makabayan ang tanging tumutol dito.

Dahil sa padedeklara ni Marcos Jr sa panukala bilang “urgent,” naipasa ito kahit sa loob lamang ng isang araw isinagawa ang ikalawa at ikatlong pagdinig. Walang amyenda sa inaprubahang panukala sa kabila ng maraming puna at kritisismong inilatag dito ang mga kinatawan ng Makabayan at mga prorgresibong organisasyon.

Ayon sa Kabataan Partylist, tutol ito sa panukala dahil sa bilyong confidential at intelligence fund (CIF) na nakasiksik dito habang napakalalaki ng kaltas sa pondo para sa edukasyon, kalusugan, at iba pang serbisyo. Kabilang sa mga kaltas na ito ang 5.8% na bawas sa badyet ng mga pampublikong unibersidad at kolehiyo (state universities and colleges o SUC). Mula sa maliit na ₱107 bilyon ngayong 2023, bumaba pa sa ₱100.9 bilyon na lamang ang alokasyon para sa mga ito sa 2024. Lubhang malayo ito sa kailangang ₱331.34 bilyong badyet para sa 117 SUC.

Samantala, limpak-limpak na pondong pork barrel ang nasa direktang pasya ng Pangulo at Department of Budget and Management kung saan-saan gugugulin. Lolobo ito nang 42.5% o ₱739.1 bilyon sa taong 2024 mula ₱518.7 bilyon ngayong 2023. Kasama din dito ang magarbong travel pork ng Pangulo na dumoble at tumaas nang 101%.

“Pambansang badyet ito na magtitiyak ng pandarahas, kikbak sa mga proyektong pang-imprastraktura, standby pork at pambayad-utang,” ayon kay Gabriela Women’s Pary Rep. Arlene Brosas.

Bago ang botohan matapos ang ikatlong pagdinig, sinubukang kwestyunin ni Rep. Raoul Manuel ng Kabataan Partylist ang pagratsada sa pag-apruba sa badyet dahil wala namang kalamidad o emergency para gawin ito. Giit niya, hindi kinailangang madaliin ang pagdinig at imbes ay dapat bigyang daan ang mas maayos na talakayan at pag-aamyenda sa badyet.

Walang pakundangang pinatayan ng mikropono ng kongreso si Rep. Manuel at hindi na pinakinggan nang buo ang paliwanag niya.

Samantala, naglabas ng pahayag ang malalaking partido sa loob ng House of Representatives na pabor silang ilipat ang pondo para sa CIF na nakalaan sa mga upisina ni Sara Duterte. Pero imbes na ilaan ito sa serbisyong sosyal at iba pang pangangailangan ng mamamayan, ang pondong ito ay ililipat sa National Intelligence Coordinating Agency at National Security Council, mga ahensyang kilala sa mga iligal at brutal na operasyon laban sa aktibista at kritiko ng naghaharing pangkatin.

Ipinahayag ni Bayan Muna Chairman Neri Colmenares ang pagsang-ayon sa pagtatanggal ng CIF ngunit aniya, “hindi dapat ito ilipat bilang CIF pa rin sa ibang mga ahensya.” Maaari naman umanong ilaan ito bilang badyet na dadaan sa mabusising pagtutuos at hindi nakatago o sikreto. “Walang kahit anong CIF. Ang pondo ng publiko ay dapat regular na matuos,” dagdag pa niya.

Ang mungkahing ito ng mga partido ay hindi pa naibalangkas sa aktwal na panukalang batas na inaprubahan ng House of Representatives. Ipinaubaya ito ng kapulungan sa isang “maliit na komite” ng mga mambabatas na magpipinal sa mga amyendang ilalapat sa panukala.

Pangako ng blokeng Makabayan, bubusisihin nito ang “pinal” na badyet na ipapasa ng maliit na grupong inatasan para amyendahan ito. Maglalabas din ito ng hiwalay na listahan ng mga amyendang nais nitong makita sa pinal na panukala.

Samantala, nagbabala ang grupong Bagong Alyansang Makabayan (Bayan) na ang pagsagasa ng panukalang badyet nang hindi tinatanggal ang CIF dito ay lilikha ng mas malakas na pagtuligsa mula sa mamamayan.

AB: Panukalang badyet sa 2024 ng rehimeng Marcos, iniratsada