Panunuhol ni Cynthia Villar ng lupa kapalit ng boto, binatikos ng kababaihang magbubukid
Kinundena ng Amihan National Federation of Peasant Women ang pahayag ni Sen. Cynthia Villar sa isang kumalat na bidyo na social media kung saan sinabi niyang “ipamamahagi” ang mga lupang pag-aari ng kanyang pamilya kung iboboto ng mga residente ng Las Piñas City ang kanyang kandidatura sa paparating na eleksyon. Ang senadora ay tatakbong kongresista ng syudad bilang kahalili ng kanyang anak na tumatakbong senador sa 2025.
“Malalaman naman namin sa eleksyon kung tatanawin ninyong utang na loob ang pagbibigay namin ng lupa sa inyo,” pahayag ni Villar sa bidyo. Pagbabanta pa ng pamilya ng mga bantog na mangangamkam ng lupa, “sana ipakita niyo sa amin na kami ay susuportahan ninyo sa darating na 2025 election… kasi kapag hindi niyo ipinakita sa amin, baka magbago ang isip namin tungkol sa pagbibigay sa inyo ng lupa.” Ang lupang ito ay may nakatirik na mga residensyal na kabahayan at komersyal na mga gusali.
Magiging kalaban ni Villar sa pagkakongresista si Las Piñas Council Mark Anthony Santos, na sinusuportahan ng iba niyang mga kamag-anak sa dinastiyang pamilyang Aguilar.
“Ang mga pahayag ni Villar na nagtatali sa usapin ng pamamahagi ng lupa sa katapatan sa kanya ay insulto sa dignidad ng mga magsasaka, laluna sa mga kababaihan, na walang pagod na nagtatrabaho para pakainin ang bayan,” ayon kay Cathy Estavillo, pangkalahatang kalihim ng Amihan at ikalawang nominado ng Gabriela Women’s Party, sa pahayag noong Disyembre 29.
Dagdag pa ni Estavillo, ang sinasabi ni Villar na “utang na loob” ay malayo sa katotohanang matagal nang binayaran ng mga magbubukid ang kanilang lupa sa pawis at paghihirap na bungkalin ito. “Samantala, ang mga panginoong maylupa na tulad ng mga Villar ay kumikita sa pagpapalayas sa kanila,” aniya.
Malinaw din umanong inilantad ng mga pahayag ni Villar ang kaisipang pyudal na itinuturing ang lupa bilang pribilehiyo sa halip na karapatan ng hene-henerasyon nang nagbubungkal dito. “Pinatunayan lamang niya na hindi siya dapat maging upisyal ng gubyerno,” patutsada ni Estavillo.
Sa isang naunang pahayag, pinuna ni Kabataan Party-list Representative Raoul Manuel ang buladas na ito ni Villar. Ayon kay Rep. Manuel, na nagsisilbi ring isa sa mga tagapangulo ng Koalisyong Makabayan, “hindi ito kaaya-aya para sa isang pampublikong upisyal.”
“Magba-bagong taon pero walang bagong aasahan sa political dynasties!” anang kinatawan ng kabataan sa Kongreso. Itinutulak ng Koalisyong Makabayan ang paglalansag sa mga dinastiyang pulitikal sa gubyerno at namanata para labanan ito sa darating na eleksyong 2025.