Balita

Panunumpa ni Trump, sinalubong ng mga protesta sa US at Pilipinas

,

Sinalubong ng mga protesta sa iba’t ibang dako ng US ang panunumpa ni Donald Trump bilang ika-47 presidente ng US noong Enero 20 sa Washington, D.C. Lumahok sa mga protestang ito ang mga demokratikong organisasyon ng mga Filipino-American tulad ng Malaya Movement, Bayan-USA at Anakbayan-USA. Nagkaroon rin ng protesta malapit sa embahada ng US sa Maynila noong Enero 21.

“(M)atatag na naninindigan ang Bayan-USA sa pagkundena sa pagbabalik ng pasistang administrasyon sa ilalim ni Trump at ng kapitalistang elite,” pahayag ng Bayan-USA. “Ang mga kapitalistang ito, na patuloy na nanunulsol kay Trump, ay nagsisilbi lamang para sa kanilang mga sarili, habang nagkukunwaring pumapanig sa uring manggagawa.”

Binatikos rin ng grupo si Ferdinand Marcos Jr na anito’y hayagang sumuporta kay Trump para palakasin ang kanyang katapatan sa bagong hepe ng imperyalistang estado.

Liban sa Washington D.C., nagkaroon ng mga pagkilos sa Portland, Seattle, Tacoma, Los Angeles, Oakland, San Diego, San Francisco, San Jose, Chicago, Detroit, New York City at Philadelphia. Lumahok sa mga protesta rito ang iba’t ibang organisasyon sa ilalim ng International League of Peoples’ Struggles.

“Ngayong pabalik si Trump as White House, matatag na naninindigan ang Malaya USA sa pagtatayo ng organisadong kilusan laban sa pasismo,” ayon naman Malaya USA. Nanawagan ito sa lahat ng mga Fil-Am na labanan ang tambalang Trump at Marcos para ipagtanggol ang kagalingan at kaligtasan ng lahat ng nasa komunidad ng mga Pilipino at ipagtanggon ang demokrasya, karapatang-tao at soberanya ng Pilipinas.

Nangunguna sa adyenda ni Trump ang deportasyon ng milyun-milyong di dokumentadong mamamayan sa US, kabilang ang mga Pilipino.

“Nangako siyang patitindihin ito (deportasyon)…, kabilang ang pag-utos sa militar ng US na magsagawa ng mga reyd na tumatarget sa mga trabahuan na may mga migranteng manggagawa,” ayon sa Malaya. Natural na katakutan ito ng mga Pilipino na nasa US.

Tinawag ng grupo na “malupit” at “walang damdamin” ang pahayag ng ambasador ng Pilipinas sa US na si Jose Manuel Romualdez, pinsan ni Ferdinand Marcos Jr, na mag-“self-deport” na lamang ang mga Pilipino. “Isinasantabi nito ang katotohanang higit 7,500 Pilipino ang umaalis sa Pilipinas dahil sa pagtanggi ng gubyerno ng Pilipinas na mamuhunan sa de kalidad na mga trabaho, na siya namang nagpapataas ng bilang ng mga di dokumentadong Pilipino sa US.” Tinatayang isa sa bawat apat na Pilipino sa US ay walang dokumentasyon.

Panawagan nila sa embahada ng Pilipinas, proteksyon at di deportasyon.

Sa Pilipinas, nagmartsa ang iba’t ibang mga grupo tungong embahada ng US sa pangunguna ng Bayan at Koalisyong Makabayan. Panawagan nila ang pagpapasara sa mga base militar ng US (EDCA site) sa Pilipinas at pag-alis ng mga dayuhang tropa sa bansa. Naniniwala ang mga demokratikong grupo na walang magiging pagkakaiba si Trump sa pinalitan niyang si Joseph Biden sa panunulsol ng gera laban sa mga karibal nitong Russia at China.

“Alam na natin ang karakas nitong si Trump – hangal, macho-pasista, sobinista,” pahayag ni Liza Maza, kandidato pagkasenator ng Makabayan. “Matindi ang peligro na dala ni Trump sa national interest ng bansa at karapatan ng ating mga kababayan sa US.”

“Libu-libo sa ating mga kababayan ang napipilitang mag-TNT sa US dahil sa malubhang krisis sa trabaho sa Pilipinas. Sinisikap nilang mabuhay nang marangal. Ang di-makataong pagtrato sa kanila ni Trump na para bang mga pusakal na kriminal ay hindi katanggap-tanggap,” aniya.

AB: Panunumpa ni Trump, sinalubong ng mga protesta sa US at Pilipinas