Pasyon ng mga bata para sa hustisya, inilunsad
Naglunsad ng prusisyon noong Abril 19, Sabado De Gloria, ang mga bata mula sa Salinlahi at Children’s Rehabilitation Center sa University of the Philippines (UP)-Diliman. Paraan ito ng grupo para manawagan ng hustisya para sa mga biktima ng rehimeng Duterte at rehimeng Marcos.
Nagsagawa ang mga bata ng simbolikong pagsasadula at mga presentasyon para alalahanin ang 150 batang pinaslang sa ilalim ng huwad na gera sa droga at programang kontra-insurhensya ng nakaraang rehimeng Duterte. Ilan sa mga itinampok na biktima ay sina Kian Delos Santos (17) mula sa Caloocan, Kuni Cuba (16) ng Sultan Kudarat, Obello Bay-ao (19) ng Davao del Norte, Myca Ulpina (3) ng Rizal at iba pa.
Sa ulat ng Ang Bayan, hindi bababa sa 1,267 ang kaso ng paglabag sa mga karapatang-tao ang nasangkot ang mga bata sa ilalim ng rehimeng Marcos simula noong Hunyo 2022 hanggang Enero ngayong taon. Sampung bata ang walang awang pinatay ng mga sundalo ng AFP at pinalabas na napaslang sa mga engkwentro sa pagitan nito at mga yunit ng Bagong Hukbong Bayan (BHB). Lahat ito ay labag sa internasyunal na makataong batas, at sa espesyal na mga proteksyon sa mga bata, at mga bagong-panganak na mga sanggol at kanilang mga nagpapasusong ina.
“Ang alaala ay hindi natatapos sa luha. Ito ay binibitbit sa galit na may direksyon. Sa paghilom may paniningil. Sa pag-alaala may pagkilos. At sa ating sama-samang paglaban, muli tayong babangon,” talumpati sa pagtatapos ng programa ng prusisyon.