Balita

Petisyon kontra sa pagtataas ng matrikula sa National Teachers College, inilunsad ng mga estudyante

,

Naglunsad ng petisyon ang mga estudyante ng National Teachers College (NTC) para tutulan ang planong pagtataas ng singil sa matrikula at iba pang bayarin sa eskwelahan. Sinimulan ng grupong Ayokong Magmahal NTC ang naturang petisyon noong Enero 16 kasabay ng “konsultasyon” ng NTC para sa pagtataas ng singil.

Sa ulat ng alternatibong midya na Manila Today, higit 100 estudyante ng NTC ang kaagad pumirma sa araw na iyon. Ayon sa Ayokong Magmahal-NTC, kumahaharap ang mga estudyante sa banta ng pagtataas ng singil sa miscellaneous fees, na itinuturing nilang bahagi ng bayarin sa matrikula.

Salungat dito, ipinagpipilitan ng administrasyon ng NTC na kaiba ang miscellenaous fees sa mismong matrikula. Giit ng grupo, ang anumang paggalaw sa bayarin ay direktang nakaapekto sa kakayahan ng mga estudyante na makapag-enrol at makapasok, lalo na’t kailangan itong bayaran bilang bahagi ng proseso ng pag-enrol.

Sa “konsultasyon” ng NTC, sinabi nito na mayroong “entry fee” na ipapataw para sa mga bagong estudyante ng paaralan. Sisingilin umano sila ng ₱670 bilang kabayaran. Ginamit na pagdadahilan ng administrasyon ng NTC ang Memorandum Order No. 3 series of 2012 ng Commission on Higher Education na naglalaman ng patakaran sa pagtaas ng singilin.

Binatikos ng Ayokong Magmahal NTC ang naturang pahayag. Anila, malinaw na ginagamit ang mga butas ng bangkaroteng patakaran para maningil ng dagdag na mga bayarin. “Sa ilalim ng CMO No. 3, hindi saklaw ng konsultasyon ang mga incoming freshmen, kaya’t malaya ang mga paaralan sa pagtulak ng pagtaas ng matrikula,” paglalahad pa ng grupo sa panayam sa Manila Today.

Ayon pa sa kanila, ang konsultasyon ay nagiging simpleng “stamp pad” para itulak ang mga pagtaas ng bayarin. “Inilalagay nila sa sitwasyon ang mga estudyante na tanggapin na lamang ang mataas na bayarin kung nais nilang mag-aral sa NTC. Hindi ito makatarungan kung ibinibida ng paaralan ang sinasabing ‘access to affordable, quality, and flexible education,’” dagdag ng grupo.

Iniulat ng Manila Today na patuloy ang panawagan ng Ayokong Magmahal NTC sa mga estudyante na magkaisa at tutulan ang anumang pagtaas ng bayarin sa kanilang paaralan.

Ang NTC ay pag-aari ng Ayala Corporation sa pamamagitan ng subsidyaro nitong AC Education, Inc. (AEI).

AB: Petisyon kontra sa pagtataas ng matrikula sa National Teachers College, inilunsad ng mga estudyante