Balita

Petisyon para sa writ of amparo at habeas data, inihain ng mga kaanak ng 2 dinukot sa Albay

Naghain ng petisyon para sa writ of amparo at habeas data ang mga pamilya nina James Jazmines at Felix Salaveria Jr at kanilang mga abugado sa Korte Suprema noong Nobyembre 14. Ang 66-anyos na si Salaveria ay dinukot noong Agosto 28 habang si Jazmines naman ay dinampot ng mga ahente ng estado noong Agosto 23, pareho sa Tabaco City, Albay.

Ang writ of amparo ay isang ligal na remedyo para sa mga taong nilabag ang karapatan sa buhay, kalayaan at seguridad o may banta ng “labag sa batas na aksyon o kawalang aksyon ng pampublikong upisyal o empleyado, o ng pribadong inidibidwal o entidad.”

Kung kakatigan ng korte ang petisyon, ipagkakaloob ang pansamantalang proteksyon sa mga kaanak at kapamilya ng mga biktima. Pagbabawalan ng korte ang mga pinangalangan na mga respondent sa petisyon na lumapit sa kanila nang isang kilometro.

Samantala, ang writ of habeas data naman ang magtutulak sa mga pwersa ng estado na isiwalat ang lahat ng impormasyon na hawak nito kaugnay ng mga dinukot.

Sa petisyon ng mga kaanak nina Jazmines at Salaveria Jr, pinangalanan nila bilang respondent sina Philippine National Police (PNP) Chief Francisco D. Marbil, Armed Forces of the Philippines (AFP) Chief of Staff Romeo S. Brawner, CIDG Director PBGen. Nicolas D. Torre III, Regional Director of Police Regional Office V PBGen. Andre Perez Dizon, Albay Police Provincial Director PCol. Julius C. Añonuevo, Chief of the CIDG Regional Field Unit 5 PCol. Ivy Castillo at Chief of Tabaco City Police Station PLt. Col. Edmundo A. Cerillo (OIC). Kauna-unahang pagkakaton rin na tahasang pinangalanan sa petisyon sina Ferdinand Marcos Jr at Executive Secretary Lucas Bersamin.

Ayon sa mga kaanak, naghain na sila ng petisyon dahil ginawa na nila ang lahat ng makakaya at paraan para subukang tuntunin ang lokasyon ng mga dinukot na aktibista. Kabilang dito ang pagbisita sa mga kampo militar at istasyon ng pulis.

Sa imbestigasyon ng mga abugado at grupo sa karapatang-tao, natunton nila ang isang bidyo na kuha ng CCTV kung saan kitang-kita ang pagdukot kay Salaveria habang nakamanman ang iba pa. Kumbinsido sila na sistematiko at organisado ang pagdukot at gawa ito ng mga pwersa ng estado. Hindi nalalayo ang manera sa iba pang katulad na pagdukot ng mga aktibista at tagapagtanggol ng karapatang-tao.

“Hindi pupwedeng manahimik lamang si Marcos Jr at maghugas-kamay sa lahat ng mga padukot na ito,” pahayag ng ikalawang pangkalahatang kalihim ng Karapatan na si Atty. Maria Sol Taule. Aniya, malinaw na isinagawa ang mga sapilitang pagwawala batay sa mga patakaran ng rehimeng Marcos.

AB: Petisyon para sa writ of amparo at habeas data, inihain ng mga kaanak ng 2 dinukot sa Albay