Presidenteng napatalsik sa South Korea, naaresto na
Naaresto na ang presidenteng napatalsik sa pwesto na si Yoon Suk-Yeol ngayong araw, Enero 15, halos isang buwan matapos siya i-impeach ng parlamento ng South Korea. Inaresto siya matapos paulit-ulit siyang sumuway sa mga patawag ng mga imbestigador, gayundin ang pagdinig ng kanyang kaso sa Korte Suprema.
Nahaharap si Yoon sa kasong insureksyon dulot ng kanyang pagdedeklara ng batas mlitar noong Disyembre 3, 2024. Binigyang-matwid noon ni Yoon ang biglaang pagpataw ng batas militar sa diumano’y pangangailangang “apulain ang mga pwersang komunista” mula sa North Korea at kontrahin ang mga “lokal na kalaban” na aniya’y maka-North Korea. Anim na oras matapos ang deklarasyon, binaligtad ito ng mayorya ng mga mambabatas ng bansa.
Unang tinangkang tanggalin sa pwesto si Yoon noong Disyembre 7 pero hindi ito nagtagumpay dahil sa pag-walk-out ng kanyang mga kapartido bago bumoto ang parlamento. Nakialam ang US sa proseso, at pinatanggal sa impeachment complaint ang panunulsol ni Yoon ng gera laban sa North Korea, gayundin ang pagpasok ng kanyang administrasyon sa trilateral na kasunduang militar sa Japan at US.
Marami sa mga Korean ang hindi sang-ayon sa pangangayupapa ni Yoon sa US at pagpapalawak niya sa interbensyon nito sa pulitika at mga usaping militar ng bansa. Naglunsad sila ng tuluy-tuloy at malalaking rali sa harap ng parlamento para igiit ang pagpapatalsik sa kanya.
Isa sa mga nanguna rito ang Korean Confederation of Trade Union, na may milyun-milyong kasaping manggagawa, na nag-anunsyo ng walang taning na welga hanggang mapatalsik siya sa pwesto. Dagdag sa kasong insureksyon ni Yoon, binatikos rin ng mga manggagawa ang mga patakarang pasista, anti-manggagawa at neoliberal ng dating presidente.
Nagtagumpay ang pangalawang impeachment complaint noong Disyembre 14,2024 na nakatuon pangunahin sa kasong insureksyon.
Isinuspinde si Yoon bilang presidente at ipinasa sa Korte Suprema ang pagdinig sa kanyang kaso. Itinakda ang kanyang pagdinig noong Enero 14 pero tumanggi siyang dumalo. Dahil dito, ipinaaresto siya ng korte sa sumunod na araw, gamit ang 3,000 mga pulis.