Pribadong gwardya ng nangangamkam ng lupa sa Bulacan, nanutok ng baril

,

Tinutukan ng mga armadong gwardya ang mga residente sa Purok 2, Barangay Kaybanban, San Jose Del Monte City sa Bulacan kahapon, Oktubre 6 na tumututol sa ginawang pagbabakod sa lupa ng mga magsasaka sa lugar. Kinumpronta ng mga tao ang mga gwardya na nagbabakod sa lupang inaangkin ng isang nagngangalang Evelyn Garcia. Ang naturang lupa ay sa magsasakang sina Tyrone at Carmelita Saguid.

Ayon sa Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP), iniulat ng mga magsasaka sa komunidad na 40 gwardya ang dumating bandang alas-7 ng umaga hanggang alas-8 na may dalang mga gamit sa pagbabakod. Nagpakita umano ng permit ang mga gwardya mula sa Office of the City Building Official at nakipagkoordina rin diumano kay Captain Eriberto Belisano ng Barangay Kaybanban.

Iginiit ng mga magsasaka at pamilya ang karapatan nila sa lupa at sinubukang pigilan ang mga gwardya sa pagbabakod at kinuhaan ng bidyo ang mga ito. Sinindak ng armadong mga maton ang mga magsasaka at inagaw ang selpon ng mga residenteng sina Benjie Jordan at Rogelio Saguid.

Ayon sa mga magsasaka, ang Borough Realty Corporation ay kilalang mangangamkam ng lupa sa Barangay Kaybanban. Noong Setyembre 18 unang napaulat na nagkampo ang mga pribadong gwardya sa lugar.

Ayon sa KMP, nagkakaisa ang mga magsasaka at residente ng Barangay Kaybanban na manatili at ipaglaban ang kanilang lupang sinasaka at pinaninirahan sa gitna ng walang awat na pambabanta at direktang atake ng mga gwardya.

AB: Pribadong gwardya ng nangangamkam ng lupa sa Bulacan, nanutok ng baril