Balita

Pribatisasyon ng NAIA, kinundena ng mga migrante

,

Kinundena ng Migrante International ang pagsasapribado ng rehimeng Marcos sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) sa pamamagitan ng pagsasailalim dito sa private-public partnership kasama ang San Miguel Corporation. Magreresulta ito sa matataas na bayarin na dagdag-pasanin ng publiko at ng humigit-kumulang 6,000 OFW na bumibiyahe araw-araw sa paliparan.

Bahagi ng pribatisasyon ang malaking pagtaas ng terminal fees para sa international flights mula P550 tungong P950. Muling itataas ang singil na ito kada limang taon. Tiyak na magdadagdag pa ng ibang singil ang SMC sa hinaharap, ayon sa grupo.

Daan-daan libong piso ang kinakailangan ng mga migrante para lamang makalabas ng bansa. May mga migranteng nagbabayad ng sariling pamasahe dahil hindi ito sinasagot ng kanilang mga employer. Ligtas ang mga OFW sa ilang bayarin sa paliparan kapag nagpapakita ng Overseas Employment Contracts (OEC), pero para makakuha ng OEC, kailangan magbayad ng malalaking kontribusyon at singil sa membership sa OWWA at Philhealth, ayon sa Migrante.

Ang mga dagdag singil na ito ay aagaw sa kita ng mga OFW na papadadala nila sa kanilang mga pamilya. “Ikinagagalit ito ng mga migranteng manggagawa lalo dapat ang gubyerno ang nagpapatakbo ng mga pampublikong serbisyo tulad ng mga paliparan,” ayon sa grupo. Binibigyan nito ng prayoridad ang kita ng pribadong korporasyon sa halip na kapakanan ng publiko.

“Ang mga kumpanyang tulad ng San Miguel ang nasa likod ng pribatisasyon ng kuryente, tubig at ibang pampublikong yutiliti, na nagpapataas sa gastos sa pamumuhay at nagdudulot ng papalalang kalidad ng serbisyo,” anito. “Dapat ikagalit ng mamamamyan, laluna na ng mga migrante ang hungkag na mga pangako nito para sa mas maayos na NAIA.”

AB: Pribatisasyon ng NAIA, kinundena ng mga migrante