Balita

Pagpapawalambisa sa kasunduan ng Primewater at Camarines Norte Water District, isinampa sa korte

,

Naghain ng kaso ang isang consumers group sa Camarines Norte noong Nobyembre 23 para ipawalambisa ang joint venture agreement sa pagitan ng Primewater at Camarines Norte Water District (CNWD) at ipatigil ang operasyon ng kumpanya sa prubinsya. Humiling din sila sa korte ng bayad pinsala na P200,000 para sa pinsalang moral, ₱100,00 bilang parusa sa nagkasala, at P100,000 na bayad sa abugado,

Ayon sa grupo, mula sa simula, walang bisa ang JVA sa Primewater dahil sa kawalan ng ordinansa mula sa Sangguniang Panlalawigan na nagpapahintulot sa operasyon ng kumpanya sa prubinsya. Wala ring konsultasyon mula sa mga residente, na isa mga importanteng rekisito para mabigyan ng awtorisasyon na mag-opereyt ang kumpanya,

Bago ang paghain ng kaso, pormal na nagdesisyon ang CNWD Board of Directors noong Enero 21, 2025 na tapusin na ang JVA dahil sa hindi pagtupad ng Primewater sa obligasyon nito mula pa 2016. Hindi nito natiyak ang regular at walang patid na suplay ng tubig at maayos na pangangasiwa sa operasyon ng septage management system.

Sa ibang syudad, gumagawa rin ng paraan ang mga lokal na gubyerno upang wakasan ang mga JVA sa Primewater. Noong Nobyembre 17, pormal na naghapag si Meyor Vilma Caluag kasama ang Sangguniang panglunsod ng San Fernando City, Pampanga ng kautusn para isuspinde ang business permit ng Primewater. Ito ay dahil sa mga paglabag ng kumpanya sa kontrata nito at hindi maayos na serbisyo.

Agad namang ipinasa ng lokal na gubyerno ang operasyon sa serbisyo sa tubig ng syudad sa City of San Fernando Water District, upang matiyak ang mas maayos, mas ligtas at mas maasahan na suplay ng tubig.

Sa Angeles City, Pampanga, nagsisimula na rin ang lokal na gubyerno sa proseso ng pagwawakas ng kanilang JVA sa Primewater dulot ng patung-patong na reklamo sa palpak na serbisyo ng kumpanya.

AB: Pagpapawalambisa sa kasunduan ng Primewater at Camarines Norte Water District, isinampa sa korte