Protesta kontra korapsyon, inilunsad ng kabataan sa Baguio City
Pinangunahan ng mga grupo ng kabataan ang kilos protesta sa Baguio City kontra korapsyon noong Setyembre 7. Daan-daan ang lumahok sa protesta at kumundena sa nalantad na mga anomalya at pangungurakot sa mga proyektong flood control at iba pang imprastruktura sa bansa.
Ayon sa Kabataan Party-list (KPL) Cordillera, isa sa mga namuno sa pagkilos, galit ang mga kabataan dahil sa halip na mapunta ang pondo para sa edukasyon at serbisyong pampubliko ay napupunta lamang ito sa mga korap na pulitiko at kasabwat na kontraktor. Panawagan nila: “Panagutin ang mga kurap!”
Sa Cordillera, nalantad ang mga anomalya ng kumpanyang MG Samidan Construction, at iba pang korapsyon sa mga proyektong imprastruktura katulad ng rock netting, rock sheds, at mga kalsada. Dagdag ng KPL Cordillera, walang ligtas ang mga matataas na upisyal sa paniningil ng mga kabataan tulad ni Ferdinand Marcos Jr at Sara Duterte na nakikinabang sa mga ito.
“Manginig sa takot ang mga kurap. Kapag ang bayan ay nagkaisa, tiyak na yayanigin nito ang mga korap at pahirap!,” pahayag ng tagapagsalita ng KPL Cordillera na si Gabriel Siscar.
Dahil sa malakas na pagkakaisa at panawagan ng mga taga-Baguio, natulak si Baguio City Mayor Benjamin Magalong na lumahok sa protesta. Nagbigay siya ng talumpati sa programa.
Idineklara ng KPL Cordillera na ang kilos protesta ang hudya ng tuluy-tuloy pang pagkilos at mga aktibidad laban sa korapsyon at panawagang panagutin ang lahat ng mga sangkot dito.