Protesta kontra pagmimina sa Eastern Samar, inilunsad

,

Nagmartsa ang humigit-kumulang 2,000 residente mula sa iba’t ibang prubinsya ng Samar noong umage ng Agosto 7 para manawagan na itigil ang mapanirang pagmimina sa mga isla ng Homonhon at Manicani at iba pang bahagi ng isla. Pinangunahan ang protesta ng Commission on Social Action ng Diocese of Borongan na inilunsad sa sentro ng Borongan City, Eastern Samar.

Nakiisa sa sama-samang pagkilos ang mga residente mula sa Eastern Samar at sa Calbayog City. Nagsimula ang pagkilos sa isang karaban mula sa iba’t ibang bayan papuntang Borongan City at nagmartsa sila mula sa kapitolyo ng syudad tungo sa simbahan.

Ayon kay Caritas Borongan director Fr. James Abella, layon ng martsa na “ipaliwanag ang negatibong mga epekto ng operasyong mina” sa isla at “para ipanawagan ang pagwawakas sa mga aktibdiad na ito.”

Giit pa niya, magiging pamamaraan ito ng mamamayan na kumilos at ipagtanggol ang kalikasan at karapatan ng mga komunidad sa Homonhon at Manicani.

Samantala, nagpaabot ng pakikiisa ang University of the Philippines (UP)-Tacloban Student Council sa pagkilos laban sa mga operasyong mina. Binatikos ng konseho ang katahimikan at kawalang-aksyon ng Department of Environment and Natural Resources at lokal na gubyerno sa gitna ng walang-habas na pagsira sa kalikasan sa mga Isla ng Homonhon at Manicani.

“Sa kabila ng kanilang tungkulin bilang pangunahing tanggapan ng gubyerno na dapat ay nasa harap upang ipagtanggol ang kalikasan, at ang hinaing ng mga mamamayan, sila pa ang tila naging kasangkapan ng mga kumpanya sa hindi makatarungang pagsira sa kalikasan sa mga isla ng Homonhon at Manicani,” ayon sa mga mag-aaral.

Mapanirang pagmimina

Kasalukuyang nag-ooperasyon ang apat na kumpanyang mina para kumuha ng nickel at chromite sa isla ng Homonhon. Nag-umpisang magmina ang mga kumpanyang Techiron Resources Inc, Emir Mineral Resources Corp, King Resources Mining Corp, at Global Min-met Resources Inc noong maagang bahagi ng 2015.

Ang kumpanyang Techiron, na nagmimina sa 1,500-ektaryang kalupaan sa isla, ay isa sa mga kumpanyang ipinasara ni dating Department of Environment and Natural Resources (DENR) Secretary Gina Lopez noong 2017. Nakabalik ito sa operasyon noong 2020 matapos bawiin ang suspensyon.

Sa tala ng gubyerno, ang apat na kumpanyang ito ay nakapagmina ng 605,176 metriko tonelada (MT) ng nickel ore at 19,105 MT ng chromite sa isla noong 2021 lamang.

Sa ulat mismo ng Department of Environment and Natural Resources Forestry Management Bureau, halos 1,000 ektaryang kagubatan mula 1990 hanggang 2021 ang kinalbo dahil sa mga operasyong pagmimina sa isla.

AB: Protesta kontra pagmimina sa Eastern Samar, inilunsad