Balita

Protesta laban sa kontra-refugee na panukalang batas, nilahukan ng mga Pilipinong migrante sa the Netherlands

, , ,

Humigit 1,000 mamamayan ang dumalo sa pagkilos sa The Hague noong Setyembre 7, sa pangunguna ng Federation of Dutch Trade Unions-Migrant branch (FNV), upang tutulan ang ‘Asiwelwet’ o Emergency Asylum Measures Act. Lumahok sa pagkilos ang Bayan Europe, Pinay sa Holland-Gabriela, at Migrante Netherlands. Ayon sa FNV, higit 100 organisasyon ang lumahok sa pagkilos.

Noong Hulyo 3, inihain ng mga kinatawan mula sa mababang kapulungan ng bansa ang mga panukalang Asylum Emergency Measures Act at Two-Systems Act. Kung maisabatas, ituturing nang isang kasong kriminal ang paninirahan sa The Netherlands nang walang ligal na dokumento.

Ayon sa pananaliksik, ang pagtrato sa mga migrante bilang kriminal ay nagbubunga ng pang-aabuso, pagsasamantala, pagbaba ng sahod at mas mapanganib ang kundisyon sa pagtatrabaho.

“Sa batas na ito, ginagawang tulisan ang mga migranteng walang dokumento. Ginagawa silang kriminal dahil lang sa nandito sila sa bansa. Hindi ito katanggap-tanggap,” pahayag ni Herrie Hoogenboon, direktor ng FNV.

“Isipin ninyo ang pang-aabuso na ginawa ng Saints and Stars Gym, kung saan ilang taon nilang inaabuso ang mga migrante. Kapag tuluyan itong maging batas, ang ganitong klaseng pang-aabuso ang magiging karaniwang kalakaran,” dagdag ni Hoogenboon.

Sa programa, ipinanawagan ni Lynette, kinatawan ng mga migranteng Pilipino, ang suporta ng gubyernong Pilipino sa mga biktima ng pang-aabuso at pagsasamantala ng Saints and Stars Gym.

“Nanawagan kami sa embahada ng Pilipinas sa The Hague na aktibong magbigay ng suporta at ligal na tulong sa mga Pilipinong migrante sa Netherlands, laluna ang mga walang dokumento na direktang maapektuhan ng panukalang batas. Nananawagan rin kami sa mga mamamayang Dutch, alyado at sa mga sumusuporta na tumindig at suportahan ang laban na ipagtanggol ang karapatan, kaligtasan at pagkatao ng mga migrante. Ang mga migrante, anuman ang kanilang ligal na istatus, ay hindi dapat pabayaan o iwanan sa harap ng umiigting na kriminalisasyon at pagbubukod,” panawagan ng Migrante Netherlands.

AB: Protesta laban sa kontra-refugee na panukalang batas, nilahukan ng mga Pilipinong migrante sa the Netherlands