Balita

Protesta para panagutin ang mga Duterte at singilin si Marcos, inilunsad

Nagtipon ang iba’t ibang demokratikong grupo sa Liwasang Bonifacio noong Enero 31 para idaos ang protesta laban sa “3K” o ang Kilos Bayan laban sa kahirapan, korapsyon at kawalang pananagutan. Nilahukan ito ng mga estudyante, guro, manggagawa, propesyunal at progresibong partido. Pinangunahan ito ng Bayan at mga kaalyado nitong organisasyon.

Mula sa Taft Avenue, nagmartsa ang mga estudyante at guro ng St. Scholastica University, St. Paul University, Adamson University, De La Salle University, University of the Philippines-Manila at iba pa sa ilalim ng alyansang One Taft para ipanawagan ang pagpapanagot sa mga Duterte para sa kanilang mga kasalanan sa bayan at pagsingil sa rehimeng Marcos sa kainutilan nito.

Iginiit sa protesta ang pagtutuloy ng kasong impeachment laban kay Sara Duterte. Mahigit isang buwan nang nakasampa sa Kongreso ang tatlong reklamo laban sa bise presidente pero hanggang ngayon ay di pa ito naipoproseso dahil sa pagkontra dito ni Marcos.

“Tila ba hinohostage ngayon sa mababang kapulungan ang impeachment complaints ng taumbayan laban kay VP Sara Duterte, sa kabila ng malinaw at malakas na batayan,” pahayag ni Liza Maza, presidente ng Koalisyong Makabayan at kandidato pagkasenador nito, sa kanyang talumpati. Ang usapin ng impeachmet ay usapin ng katarungan, aniya.

“Panahon na para managot si Rodrigo Duterte sa mga karumal-dumal na krimen at paglabag sa karapatang pantao noong kanyang pamumuno,” pahayag naman ng Kilusang Mayo Uno. Nakiisa sila sa panawagan kontra kahirapan, korapsyon at kawalang pananagutan.

“Ang 200 pesos na dagdag-sahod? Malayo sa sapat para tugunan ang patuloy na pagtaas ng presyo ng bilihin,” ayon sa grupo. Kailangan natin ng 1,200 pesos family living wage increase para makatawid sa matinding krisis pang-ekonomya, anito.

Nanawagan din ang KMU, kasama ng iba pang organisasyon ng masang anakpawis, para sa kagyat ng pagpapababa ng presyo ng mga bilihin at singil sa mga serbisyo.

Sa araw ding iyon, dalawa pang protesta ang inilunsad, kapwa sa harap ng People Power Monument sa EDSA. Tulad ng protesta sa Liwasan, mariing tinuligsa sa dalawa pang protesta si Sara Duterte sa paglulustay niya ng pondo ng bayan at kondukta niya sa mga pagdinig sa Kongreso at maging sa publiko.

AB: Protesta para panagutin ang mga Duterte at singilin si Marcos, inilunsad