Rebolusyong Pilipino, itinampok ng FFPS sa pandaigdigang araw ng pagkilos
Iba’t ibang tipo ng aktibidad ang inilunsad ng mga balangay ng Friends of the Filipino People in Struggle (FFPS) sa Asia, Australia, Europe at North America para itampok ang rebolusyong Pilipino at ipahayag ang kanilang suporta dito noong Agosto 26. Itinaon nila ang pagkilos sa araw ng paggunita sa Sigaw ng Pugad Lawin, ang hudyat ng pagsisimula ng Rebolusyong Pilipino laban sa pananakop ng Spain sa bansa noong 1896.
“Ang pandaigdigang pagkilos na ito, na isinagawa kasabay ng paggunita sa Sigaw ng Pugad Lawin…ay nagdiiin sa suporta ng FFPS sa kasalukuyang pakikibaka para sa ganap na kalayaan sa Pilipinas,” pahayag ng grupo.
Sa US, inilunsad ng mga kasapi ng grupo ang koordinadong mga talakayan at militanteng demonstrasyon sa Baltimore, Portland, Seattle, Los Angeles, New York, San Francisco at Orange County. Sa kanilang protesta, tahasan nilang hinamon ang US at mainit na ipinahayag ang suporta sa kilusang mapagpalaya sa Pilipinas laban sa imperyalismong US.
Liban dito, itinatag rin sa bansa ang dalawang bagong kasaping organisasyon na Tanod Lupa at Guerrero. Nagpaabot ng pagbati si Ka Marco Valbuena, punong upisyal sa impormasyon ng Partido Komunista ng Pilipinas, sa pagkakatatag ng mga ito.
“Sa harap ng araw-araw na pagsisikap para mabuhay at makapanaig sa krisis, at buhay-at-kamatayang pakikibaka laban pasistang rehimeng US-Marcos at para sa tunay na kalayaan at demokrasya, tumitibay ang determinasyon ng mamamayang Pilipino na maglunsad ng paglaban dahil batid nilang mayroon silang mga kaibigan sa iba’t ibang panig ng mundo na sumusuporta sa kanilang adhikain,” ayon kay Valbuena.
Sa Canada, nagsagawa ng mga pag-aaral at talakayan ang FFPS Vancouver at Canada-Philippines Solidarity Organization-Toronto. Naging paksa nila ang tinatanaw na rebolusyonaryong hinarap ng National Democratic Front of the Philippines at kung paano silang makapagbibigay ng suporta dito. Nagpaskil sila ng mga poster sa lugar.
Sa Europe, naglunsad ng mga aksyong propaganda at demonstrasyong masa ang mga kasaping organisasyon ng grupo sa The Netherlands, France, Germany, Spain, Switzerland, Denmark, Greece, Austria at sa United Kingdom. Kinundena nila sa mga pagkilos ang pakikipagsabwatan ng Europe sa imperyalistang dominasyon ng US sa Pilipinas. Nanawagan rin ang mga grupo sa mga kapwa nila European na makiisa at makipagkapit-bisig sa pakikibaka ng mamamayang Pilipino.
Katulad na mga aktibidad ang inilunsad ng bagong-tayo na mga grupo ng FFPS sa Asia at Australia. Mayroon ding pagtitipon sa New Zealand. Inilantad nila ang imperyalistang agresyon ng US sa Pilipinas at buong rehiyon.
“Ang paglaya ng Pilipinas mula dayuhang dominasyon ay hindi lamang tungkulin ng mga rebolusyonaryo sa bansang iyon, kundi ng lahat ng anti-imperyalista sa buong mundo!” pahayag ni Paul Evers, kasapi ng FFPS Global Secretariat. Idiniin niya na ang rebolusyonaryong kilusan sa Pilipinas at lahat ng kilusang mapagpalaya ay nagpapakawala ng pinakamalalakas na bigwas laban sa imperyalistang paghahari ng US.
Kasabay ng mga aksyong ito, pinarangalan ng FFPS at mga kasapi nito ang mga rebolusyonaryong martir ng rebolusyong Pilipino. Kabilang sa kanilang pinarangalan ang mga Bayani at Martir ng Agosto ng Panay na nabuwal sa magkakasunod na armadong engkwentro sa nagdaang buwan.
Inianunsyo nito ang tuluy-tuloy na kampanya at mga aktibidad nito bilang pagsuporta sa rebolusyong Pilipino. Pinangungunahan nila ngayon ang kampanyang “Suportahan ang rebolusyonaryong pakikibaka ng mamamayang Pilipino para sa makatarungan at pangmatagalang kapayapaan!” na tatagal hanggang Hunyo 2025.