Red Friday Protest para sa sahod, inilunsad ng mga manggagawa

,
Ang artikulong ito ay may salin sa English

Inilunsad ng mga manggagawa kahapon, Abril 12, ang unang Red Friday Protest sa Clock Tower, Marikina City, para sa dagdag sahod at laban sa maka-negosyo at makadayuhang PUVMP. Kinundena nila si Ferdinand Marcos Jr na anila’y panay ang satsat sa cha-cha (charter change) pero patuloy na nananahimik sa usapin ng sahod. Idiniin nila na sadyang napakaliit, at nahuhuli pa, ang mga iginawad na mga dagdag-sahod ng mga rehiyunal na wage board noong nakarang taon.

“Sobrang delayed na nga magpatupad ng wage hike ng mga wage board, wala pang usad ang mga panukalang wage increase sa Kamara,” ayon kay Jerome Adonis, pangkalahatang kalihim ng Kilusang Mayo Uno (KMU). Nauna pang ipasa ang panukala sa cha-cha noong Marso. Nakatakda na rin buksan ang deliberasyon para rito sa senado sa Mayo. Malinaw sa mga manggagawa na walang intensyon ang gubyerno ni Marcos na magpasa ng batas para sa dagdag sahod.

Kinwestyon din ng grupo ang pangako ng noo’y ginaganap na US-Japan-Philippine Trilateral Summit sa US na dagdag na mga trabaho para sa mga Pilipino. Ayon sa grupo, ang dayuhang pamumuhunan ay pangunahing inilalagak sa mga special economic zone, kung saan laganap ang di makataong mga kundisyon sa paggawa, paglabag sa mga karapatang manggagawa at nakapako ang sahod.

“Ang mga trabahong ibubunga ng pakikipagsabwatan ni Marcos sa US ay mga alanganing trabaho: walang kasiguraduhan at mababa ang sahod,” ayon kay Adonis.

Panawagan ng KMU sa kapwa manggagawa na tumindig at mag-ingay, lumahok sa mga protesta at konsultasyon para igiit ang dagdag sahod.

AB: Red Friday Protest para sa sahod, inilunsad ng mga manggagawa