Balita

SABAK 2025 war games sa Cagayan Valley, itinatakwil ng mamamayan ng rehiyon

,

Kinundena ng National Democratic Front-Cagayan Valley (NDF-CV) ang panibagong serye ng war games na inilulunsad ng imperyalismong US at papet nitong Armed Forces of the Philippines (AFP) sa mga prubinsya ng Cagayan Valley. Noong Marso 24, upisyal na sinimulan ng US at Pilipinas ang pinagsanib na Salaknib at Balikatan 2025 (SABAK 2025) kung saan kabilang ang rehiyon sa paglulunsaran ng ilang war games at aktibidad sa kalupaan, baybayin at himpapawid saklaw nito.

Karaniwang bahagi ang Cagayan Valley sa mga lugar na pinaglulunsaran ng war games at aktibidad militar dahil sa pwesto nito sa North Luzon na malapit sa China, na itinuturing US na banta. “Matinding teror at troma na naman ang idudulot nito sa mga sibilyang komunidad na taun-taong naliligalig dahil sa mga war games na ito,” ayon kay Ka Salvador del Pueblo, tagapagsalita ng NDF-CV.

Gaganapin ang Phase 1 ng Salaknib mula Marso 24 hanggang Abril 11, at ang Phase 2 naman ay sa Mayo 19 hanggang Hulyo 20 sa Fort Bonifacio, Taguig City, at sa mga erya ng operasyon ng 5th ID sa North Luzon at 7th ID sa Central Luzon. Para sa unang yugto ng war games, tinatayang nasa 3,000 sundalo mula sa Philippine Army at 2,000 mga sundalo mula sa US Army Pacific ang lalahok.

Samantala, nakatakdang isagawa ang Balikatan war games sa Abril 21 hanggang Mayo 9. Hindi bababa sa 16,000 tropang Amerikano, Pilipino, Japanese at Australian ang ipinahayag na lalahok sa war games. “Asahang mas mapanghamon at mas mapanganib ito kumpara sa mga nakaraang joint exercise na ayon sa US, kakatangian ng “full scale battle test,” ayon kay Ka Salvador.

Una nang nag-abiso ang lokal na pamahalaan ng Aparri sa mga residente nito sa ilulunsad na live fire exercises ng fire at armor assets ng US at 5th ID sa darating na Hunyo 2025. “Matinding dagok na naman ito sa kabuhayan ng mga mangingisda na pagbabawalang pumalaot katulad ng mga mamamalakaya ng Ilocos na malaki ang pagkalugi dahil sa itinakdang “no sail zone” bunsod ng live firing sa karagatan,” pahayag ng tagapagsalita.

Maliban sa kabuhayan, naniniwala ang NDF-CV na pinakamalaking banta ito sa kaligtasan ng mga mamamayan. Anang grupo, inuudyukan ng US ang China at sinasamantala ang mga hidwaan sa West Philippine Sea upang bigyang matwid ang panunulsol nito ng gera.

“Sa pagpapakitang gilas pa lamang ng lakas militar ng US sa Pilipinas ay naghahatid na ng kilabot at sikolohikal na problema sa mamamayan ng Cagayan Valley laluna na at malapit ito sa Taiwan na inuudyukan din ng US na humiwalay sa China,” dagdag ni Ka Salvador.

Liban dito, binatikos ni Ka Salvador ang kamakailang pahayag ng tagapagsalita ng AFP na si Col. Francel Margareth Padilla, na “mas marami [Typhon missile sa bansa], mas masaya.” Kasunod ito ng balitang magpapadala ang US Indo-Pacific Command ng dagdag na battery para sa Mid-Range Capability (MRC) Typhon missile.

Anang NDF-CV, nagdulot ng matinding pangamba noong Enero ang usap-usapang nasa Batanes o Lallo, Cagayan ang Typhon missile system bagamat hindi kinumpirma o itinanggi ng AFP ang eksaktong presensya nito sa rehiyon.

Sa harap ng mga kapahamakang ito, nanawagan ang NDF-CV sa mamamayan ng rehiyon at mga Pilipino na ubos-kayang ilantad at labanan ang SABAK 2025 na nagsasapanganib sa kanilang buhay, kabuhayan at kaligtasan.

“Buklurin ang pinakamalapad na alyansa ng mga magsasaka, mangingisda, kababaihan, kabataan, taong-simbahan, abogado, tagapagtanggol ng kalikasan at karapatang-tao, at iba pang civil society organizations na tutol sa imperyalistang gera, panghihimasok, at paglapastangan soberanya,” hamon ni Ka Salvador.

AB: SABAK 2025 war games sa Cagayan Valley, itinatakwil ng mamamayan ng rehiyon