Sabayang pagmamay-ari ng kumpanya sa distribusyon at planta sa kuryente, dapat ipagbawal
Muling ipinanawagan ng Bayan Muna (BM) at Koalisyong Makabayan na ipagbawal ang sabayang pagmamay-ari ng malalaking negosyo, tulad ng Meralco, sa produksyon at distribusyon ng kuryente. Ang ganitong kalakaran ay nagresulta sa walang awat na pagtaas ng singil sa kuryente dahil inutil ang mga kunwa’y mekanismo para pangalagaan ang kapakanan ng mga konsyumer laban sa kasakiman ng mga negosyong ito.
Muling iginiit ng BM ang panawagan ito matapos sinabi ni Ferdinand Marcos Jr sa kanyang State of the Nation Address o SONA na iparerepaso ng kanyang rehimen ang Electric Power Industry Reform Act (EPIRA).
Malaon nang binabatikos ng Makabayan ang EPIRA dahil isinapribado nito ang batayang serbisyong panlipunan at ipinamayani ang kita kaysa sa serbisyo. Sa nakaraang mga taon, tuluy-tuloy nitong ibinunyag at binatikos ang usapin ng “cross-ownership” ng malalaking burgesya sa produksyon at distribusyon na hindi ipinagbawal ng batas. Ayon kay House Deputy Minority Leader France Castro ng ACT Teachers Party, at kandidato pagkasenador, ang sabayang pagmamay-ari ng mga mga kumpanya sa distribusyon sa mga planta sa enerhiya ay naggagarantiya sa mga ito ng malaking kita, laluna sa panahon ng sabay-sabay na isinasara ang mga planta at numinipis ang suplay.
“Ibinababa nila ang suplay ng kuryente sa pamamagitan ng pwersahang pagsasara (ng mga planta) para pilitin ang mga kumpanya sa distribusyon na bumili ng mas mahal na enerhiya sa spot market, na nagreresulta sa pagtaas ng singil na pahirap sa mga konsyumer,” aniya.
“Kung pag-aari ng kumpanya sa distribusyon ang kumpanya na lumilikha ng kuryente (generation company), nasa interes nito na magbayad ng mas mataas na generation cost. Ibig sabihin, may conflict of interest ang cross-ownership dahil pipiliin ng kumpanya sa distribusyon na lumikom ng malaking kita kaysa ibaba ang singil nito sa mga konsyumer,” ayon sa Makabayan.
Isa sa mga kumpanyang ito ang Meralco, na nagmamay-ari ng makabuluhang bilang ng mga planta, na siya ring pinagkukunan ng suplay nito.
Mula nang isinabatas ang EPIRA noong 2001, tinutulan na ito ng mamamayan na hindi kailanman naniwalang solusyon ang pribatisasyon sa matatas na singil at palpak na serbisyo. Taliwas sa matatayog na pangako nitong ibababa ang singil sa kuryente, walang awat ang naging pagtaas sa nakaraang 23 taon. Mula sa ₱4.87/kwh noong 2000. mahigit doble na ang singil noong 2010 sa ₱10.35/kwh.
Kasalukuyang naglalaro sa ₱12-₱17/kwh ang singil sa kuryente sa iba’t ibang bahagi ng bansa. Para sa isang pamilya sa Luzon na kumukonsumo ng 200 kwh kada buwan, nangagahulugan ito ng electric bill na ₱1,890.32, noong nasa ₱9.4516/kwh ang singil ng Meralco. (Nasa ₱11.60 na ito noong Hulyo, at tataas pa tungong halos ₱14/kwh sa Setyembre.)
Napakabigat nito sa mga manggagawang tumatanggap lamang ng minimun na sahod. Kinakain nito ang 14.25% ng sahod na nakapako lamang sa ₱13,268/buwan.
Ayon sa mga grupo at mga konsyumer, matagal nang dapat ibinasura ang EPIRA para matiyak ang mura at abot-kayang serbisyo sa kuryente para sa lahat.