Balita

Sibilyan, pinaslang ng 4th IB sa pekeng engkwentro sa Mindoro

,

Pinasubalian ng Bagong Hukbong Bayan (BHB)-Mindoro (Lucio de Guzman Command) ang pahayag ng 4th IB na isang Pulang mandirigma ang napaslang sa isang pinalalabas na engkwentro noong Marso 14 sa Sityo Cabuyao, Panaytayan, Mansalay, Oriental Mindoro. Ayon sa BHB-Mindoro, walang yunit ng hukbong bayan sa naturang barangay sa panahong iyon.

“Sinong sibilyan na naman ang biktima ng inyong walang awang pagpatay at pagkatapos para bigyang matwid ay pararatangang NPA? O kaya’y lilikha ng pekeng labanan para pagmukhaing “lehitimong NPA” ang inyong biktima,” pahayag ni Ka Madaay Gasic, tagapagsalita ng yunit. Nananatiling wala pang ulat sa pagkakakilanlan ng biktima.

Hinamon ng BHB-Mindoro ang kumander ng 203rd IBde na kaaagd ilabas ang bangkay ng sinasabing Pulang mandirigma na napatay sa nasabing labanan. “Maawa kayo sa pamilya ng sibilyang inyong pinatay, karapatan nilang makuha ang bangkay nito at mapanagot ang maysala,” ayon kay Ka Madaay.

Hindi na bago sa mamamayang Mindoreño ang ganitong modus ng 203rd IBde. Sangkot ang mga sundalo sa maraming bilang ng mga sibilyang pinatay at pagkatapos ay pinararatangang Pulang mandirigma.

Kabilang at pinakahuli dito ang pagpatay ng 4th IB sa kabataang Mangyan na si Jay-el Maligday noong Abril 7, 2024 sa Sityo Soriawon, Barangay Nasucob, Bulalacao, Oriental Mindoro. Nireyd ng mga pasista ang bahay ng pamilya Maligday saka walang awang pinagbabaril ang biktima at pinalabas na isang engkwentro sa hukbong bayan ang naganap.

Pagkatapos ng mga pekeng labanan, engrande ang mga sustenido at masisinsing Focused Military Operations (FMO), Retooled Community Support Program Operations (RCSPO), pinaigting na kampanyang saywar at paniniktik sa mga komunidad. Nagdudulot ng labis na takot, troma, ligalig, at abala sa masang Mindoreño laluna sa katutubong Mangyan ang mga operasyong ito ng militar.

“Walang pagsasaalang-alang ang mga pasista sa karapatang pantao at internasyunal na makataong batas,” ayon kay Ka Madaay. Nanawagan siya sa masang Mindoreño na kumilos at kundenahin ang terorismo ng estado.

Samantala, sinabi niyang nararapat na ilunsad ng BHB ang mga taktikal na opensiba laban sa teroristang AFP-PNP upang bigyang hustisya ang mga biktima ng paglabag na ito.

AB: Sibilyan, pinaslang ng 4th IB sa pekeng engkwentro sa Mindoro