Sunog sa mga kabahayan sa baybay ng Cavite, pinaniniwalaang sinadya
Higit 1,000 pamilya ang napalayas sa sunog sa Barangay Zapote III, Bacoor City, Cavite noong Setyembre 10. Naniniwala ang Pambansang Lakas ng Kilusang Mamamalakaya ng Pilipinas (Pamalakaya) na sinadya ang naturang sunog laluna at hindi ito ang unang pagkakataong nangyari iyon.
Ang naturang barangay ay masasagasaan ng proyektong LRT-1 Cavite Extension Project. Kalapit din ng komunidad ang tinatambakang dagat para sa proyektong reklamasyon ng lokal na pamahalaan katuwang ang Frabelle Fishing Corp. Ang Frabelle ay kumpanyang pag-aari ng kasalukuyang kalihim ng Department of Agriculture na si Francisco Tiu Laurel.
Simula 2017, hindi bababa sa 15 kaso ng panununog sa mga komunidad sa baybay ng Cavite ang nabilang ng Pamalakaya. Anang grupo, ang mga komunidad na nasunog ay mga lugar kung saan itinutulak ang mga proyektong reklamasyon at imprastruktura.
“Sinumang tanungin na residente ay naniniwalang sinadya ang magkakasunod na sunog sa Bacoor City. Dahil tulad sa maraming komunidad, panununog ang naging pinakamabisang paraan para sa permanenteng pagpapalikas ng mga tao at bigyang daan ang mga malalaking proyekto ng mga negosyante at gubyerno,” pahayag ni Ronnel Arambulo, ikalawang pangulo ng Pamalakaya at kandidato pagkasenador ng Koalisyong Makabayan.
Anang lider-mangingisda, hindi makatao ang ganoong paraan ng sapilitang pagpapalikas dahil inilalagay sa panganib ang buhay ng mga residente, at tinutupok ang kanilang mga ipinundar na ari-arian. Ilan sa mga apektadong pamilya ay mismong mga kasapi at lider ng Pamalakaya-Cavite na aktibong naninindigan para sa karapatan ng mga manginsida at komunidad.
“Nananawagan ang mga biktima ng anumang tulong mula sa ating mga kababayan partikular ang damit, pagkain, at mga materyales para sa muling pagtatayo ng mga bahay,” ayon pa kay Arambulo. Nakiisa rin siya sa sigaw ng mga residente para sa hustisya sa mga biktima ng sunog.
Noong Marso, naghain na ng isang resolusyon ang mga kinatawan ng Makabayan sa kongreso para paimbestigahan ang mga serye ng sunog sa mga komunidad sa baybay ng Cavite. Itinulak ang resolusyon ng Pamalakaya-Cavite at Kalipunan ng Damayang Mahihirap-Cavite.
“Patuloy naming paiimbestigahan ang panununog ng mga komunidad sa lalawigan ng Cavite. Dapat magkaroon ng hustisya sa mga biktimang mangingisda at maralita, sa pamamagitan ng pananagutan sa mga may pakana,” pagdidiin naman ni Arambulo.