Suporta sa mamamayang Indian kontra Operation Kagaar, bumuhos
Naglunsad ng mga porum, demonstrasyon, nagkabit ng mga poster at iba pang aktibidad ang mga organisasyon at partido mula sa 13 bansa bilang suporta sa mamamayang Indian kontra sa Operation Kagaar noong Abril. Ang mga aktibidad ay tugon nila sa linggo ng suporta noong Abril 7-12 na ipinatawag ng International Campaign in Support of the People’s War in India (ICSPWI).
Tumugon sa panawagan ng suporta ang mga partido komunista, mga rebolusyonaryong organisasyon at mga samahan ng mga manggagawa, estudyante, kababaihan at mga magsasaka. Nagkaroon ng mga aktibidad sa Brazil, Bangladesh, Italy, Colombia, Tunisia, US, Australia, France, Galicia, Russia, Turkey, Afghanistan, at Germany.
Nasa ika-15 buwan na ang brutal na Operation Kagaar, nagsimula noong Enero 2024, na kumitil sa buhay ng hindi bababa sa 400 sibilyan, karamihan mga Adivasi o katutubong mamamayan at mga rebolusyonaryo.
Sa mga ulat, 287 ang pinaslang noong 2024 at nasa 113 na ngayong 2025. Sangkatlo (1/3) sa mga biktima ay mga katutubong Adivasi habang 40% ay kababaihan. Marami sa mga kaso ng pagpaslang ay pinalalabas na mga “engkwentro” ng armadong pwersa ng reaksyunaryong estado ng India sa People’s Liberation Guerilla Army (PLGA) ng Communist Party of India (Maoist).
Sa 15 buwan, hindi bababa sa 13 malalaking operasyong militar ang isinagawa sa Bastar sa Chhattisgarh sa sentral na India gamit ang hindi bababa sa 1,000 pwersa sa kada operasyon. Daan-daang mga kaso ng paglabag sa karapatang-tao ang naitala sa panahong iyon. Dahil dito, binansagan ang lugar bilang “Bastar Killing Fields.”
May 300 kampo militar sa Bastar kung saan tinatayang 50 ang itinayo sa panahon ng Operation Kagaar. Sa saklaw ng Abujhmaad, mayroong siyam na kampo militar. Sa dami ng mga ito, mayroong kampo sa kada 2-3 kilometro. Ang mga ito ang nagsisilbing sentro ng operasyong kontra-insurhensya sa mga liblib na lugar. Mayroong isang pwersa ng estado sa kada siyam na sibilyan sa Bastar.
Sa harap ng walang-tigil na mga pag-atake, nanawagan ang ICSPWI na palawigin ang kampanya ng pagsuporta sa mamamayang Indian hanggang Marso 2026.
Patuloy ang suporta ng Partido Komunista ng Pilipinas at Bagong Hukbong Bayan laban sa Operation Kagaar. Sa unang mga buwan ng pananalasa ng Operation Kagaar, nagdeklara ang Komite Sentral ng Partido ng buwan ng pakikiisa sa mamamayang Indian noong Hunyo 20, 2024 hanggang Hulyo 20, 2024.
Nananalig rin ang Partido at hukbong bayan sa kapatid nitong CPI (Maoist) at PLGA na patuloy nitong bibiguin ang mga atake ng rehimeng Modi para ipagtanggol ang mamamayang Indian.
Nagpahayag ng pasasalamat ang ICSPWI sa lahat ng mga lumahok at nakiisa sa linggo ng kampanya noong Abril. Nanawagan ito sa lahat ng mga demokratikong organisasyon sa buong mundo na patuloy na ilantad ang pasistang panunupil ng rehimeng Modi sa pamamagitan ng Operation Kagaar.