Taas-pasahe sa LRT, taas-singil sa tubig at presyo ng langis ngayong Abril, sabay na tinutulan
Magkahiwalay na inilunsad ngayong araw, Abril 1, ng mga myembro ng iba’t ibang organisasyon at koalisyong Makabayan ang mga kilos protesta para sa halos magkasabay na pagtaas ng singil sa LRT at tubig. Ang mga dagdag-singil na ito ay resulta ng deka-dekang patakaran sa pribatisasyon na ginawang negosyo ang serbisyo.
“April fools ngayon, pero hindi na papaloko ang taumbayan sa gubyernong Marcos Jr, sa patuloy nitong pananahimik sa mga hinaing ng mamamayan,” pahayag ng Bayan Muna Party. “Dapat ang serbisyo para sa tao, hindi sa negosyo!” ayon sa mga grupo.
Sa Maynila, nagtipon ang mga manggagawa, estudyante at maralita sa Monumento LRT-1 Station para kundenahin ang taas-pasahe ng serbisyo nito simula bukas Abril 2. Kasama sa mga nagprotesta si Ka Mimi Doringo, pangkalahatang kalihim ng Kadamay at kandidato pagkasenador ng Makabayan. Kasama niya si Jerome Adonis ng Kilusang Mayo Uno at Leticia Castillo, tumatakbong konsehal sa Distrito 2 ng Valenzuela.
“Hindi yan prank! Totoong magtataas nanaman ang LRT fare bukas,” aniya. “Dagdag pasakit na naman. Hindi na nga tayo magkandaugaga sa nagtataasang presyo ng bilihin sasabay pa itong pamasahe. Bilang komyuter, tutol ako dito sa dagdag pamasahe ng LRT! Ang pampublikong transportasyon ay serbisyo hindi dapat gawing negosyo.”
Kabilang sa mga tumututol sa dagdag-pasahe ang mga komyuter mula sa Camanava (Caloocan, Malabon, Navotas, Valenzuela), na may malaking populasyon ng mamamayan at manggagawa na tumatangkilik sa LRT. Ang Monumento Circle sa Caloocan City, kung saan naroon ang dulong istasyon ng LRT, ay isang transport hub na may mga byaheng patungo sa looban ng Camanava, at tungo na rin sa iba’t ibang bahagi ng NCR at Central Luzon.
“Sa kalagayan pa lang ng mamamayan ng CAMANAVA na patuloy na binabaon ng samu’t saring mga bayaring tumataas ang presyo, ang fare hike na isinusulong ng mga lokal na burgesyang kumprador at dayuhang kapitalista ay hindi karapat-dapat,” ayon sa mga taga-Camanava.
Samantala, binatikos ng Kabataan Partylist ang pagdadahilan ng Malacañang na “walang choice” ang rehimeng Marcos sa pagtaas ng pamasahe dahil nakasaad ito sa kontrata ng kumpanya.
“Tayo ang nawawalan ng choice sa presyo ng pamasahe kasi bihag tayo ng toxic na privatization contract ng gubyerno sa LRMC, pero di ba dapat ang gubyerno ang walang choice kundi ipagtanggol ang commuters?” tanong ni Atty. Renee Co, unang nominado ng KPL. Pinansin niya na kasabay na tumaas ang matrikula sa maraming unibersidad na dinadaan ng LRT.
“Kawawa ang mga estudyante sa U-belt. May tuition hike na nga may fare hike pang ipapatong. Galaw-galaw naman Marcos Jr. Buong bayan ang makikinabang sa abot-kamay na serbisyo, kaya dapat sagot ito ng gubyerno,” aniya.
Sa Quezon City, nagtipon naman ang mga myembro ng Bayan Muna sa harap ng upisina ng MWSS Regulatory Office para kundenahin ang taas singil sa tubig sa ngayong buwan at ipanawagan ang #NoToWaterRateHike. Nakaambang itaas ang singil sa tubig nang ₱4-₱5 kada metriko kubiko matapos ito payagan ng MWSS.
“Kami po ay nagsusumikap na mabuhay ang aming mga anak, sana po wag gawing negosyo ng gubyerno ang public service(s). Dapat tulungan ang mamamayan na mabuhay ng marangal at maayos,” ayon kay Aling Lourdes, isa sa mga sumama sa rali. Aniya, kait pagsama-samahin ang mga sweldo ng kanyang pamilya, hindi pa rin ito sasapat dahil sa taas ng presyo ng mga bilihin.
Noong Marso 30, nagprotesta rin ang Bayan Muna laban sa hanggang ₱1.40/litro na pagtaas ng presyo ng langis na ipinatupad noong Martes, Marso 31.
“Simple lang ang ating mga panawagan: tanggalin agad ang VAT upang mapababa ang presyo ng petrolyo,” panawagan ng Bayan Muna. Noong Marso 31, nagpasa ng sulat ang Bayan Muna sa Department of Energy (DOE) para singilin ang kagawaran sa mga naging hakbang nito para ipatupad ang desisyon ng Korte Suprema noong 2024 kaugnay sa unbundling ng taas-presyo at atasan ang mga kumpanya ng langis na gawing rekisito ang pagpapakita ng mga dahilan kung paano nila itinatakda ang kanilang presyo.
“Saan ba talaga ito (mga pagtaas) napupunta? Ano ba ang basehan nito? Piso? Dalawang piso? Tatlong pisong dagdag presyo? Kailangan nilang ipaliwanag ito,” pahayag ni Att. Kaloi Zarate, pangalawang nominado ng Bayan Muna.