Balita

Teroristang pang-aatake ng Israel sa Middle East, kinundena ng mga migranteng Pilipino

Kinundena ng mga migranteng Pilipino sa ilalim ng Bayan-USA, Migrante Middle East at Commission 15 ng International Leage of People’s Struggles ang sunud-sunod na teroristang pang-aatake ng Zionistang Israel at ng imperyalistang US sa mga mamamayan sa iba’t ibang bansa sa Middle East.

“Kinukundena namin ang kamakailangang pagpapatindi ng mga teroristang mga atake sa mamamayang Arabo sa rehiyon, habang walang awat ang henosidyo (nito) sa mamamayang Palestine,” ayon sa kanilang pinag-isang pahayag noong Setyembre 28.

Nitong Setyembre lamang, walang awat ang pambobomba at agresyon ng Zionistang Israel sa Lebanon. Noong Setyembre 17-18, magkasunod nitong pinasabog ang hawak na mga pagers at walkie talkies na hawak ng mga “operatiba” ng Hezbollah. Mula Setyembre 20 hanggang 27, nagpaulan ito ng mga bomba at misayl sa mga residensyal na lugar sa tabing ng “pagtugis” sa mga pinuno ng Hezbollah.

Pinakamalala rito ang pambobomba noong Setyembre 25-26 kung saan nasagawa ang mga Zionista ng 650 airstrikes na ikinamatay ng mahigit 500 sibilyan, nagsugat ng libu-libo at nagpalayas sa mahigit 100,000 mula sa kanilang mga tahanan. Noong Setyembre 27, anim na residensyal na gusali ang pinatag ng mga bomba ng Israel para patayin si Hassan Nasrallah, pinuno ng Hezbollah. Sa paunang taya, 700 ang pinatay ng Israel sa araw lamang na ito.

Ayon sa mga ulat, may isang milyon nang mga Lebanese mula sa katimugang bahagi ng Lebanon ang lumikas sa kanilang mga tahanan upang maghanap ng masisilungang ligtas sa pambobomba ng Israel.

“Bilang tugon sa brutalidad ng Israel, ang mga kilusang lumalaban sa rehiyon ay sumuporta sa hangarin ng Palestine,” ayon sa pahayag. Ginagamit ito ngayong dahilan ng Israel para walang limitasyong atakehin ang ibang mga bansa. “Ipinapakita nito kung gaano kabangkarote at bulok ang estado ng Israel,” ayon sa tatlong grupo. Tinawag nito ang Zionistang estado bilang “hayok sa dugo.”

Mahigpit na nakikisa ang mga organisasyon ng migranteng Pilipino sa mamamayang Lebanese, Palestino at lahat ng mamamayang Arabo laban sa terorismo ng US at Israel. “Batid din namin na anumang agresyon ng imperyalismong US at ng mga war crimimal na Israeli ay naglalagay sa mamamayang Pilipino sa peligro, katulad ng milyong mga migranteng Pilipino na nagtatrabaho sa Palestine, Lebanon at sa buong Middle East na resulta ng sistematikong labor export program ng gubyernong Pilipino.”

Anila, ang pinakamahusay nilang depensa laban sa gayong mga atake ay ang makipagkapit-bisig sa mga kapatid nilang Arabo para itayo ang isang anti-pasistang nagkakaisang prente laban sa komun na kaaway.

“Nananawagan kami para sa kapayapaan na nakabatay sa hustisya sa Middle East–at ang hustisyang ito ay nangangahulugan ng isang malayang Palestine, isang malayang Lebanon, isang malayang Yemen at kalayaan para sa lahat ng mamamayang Arabo mula sa imperyalismong US at Zionistang katuwang nito,” anila.

Samantala, nananawagan ang mga OFW, Migrante International at Migrate Middle East sa rehimeng Marcos na bilisan ang tugon sa panawagang repatriation o pagpapauwi ng mga Pilipinong nagtatrabaho sa Lebanon. Samutsaring problema ang hinaharap nila, kabilang ang pagkuha ng clearance mula sa kanilang mga employer at istriktong proseso ng mga institusyong Lebanese.

Nananawagan ang grupo na “umaksyon” ang gubyernong Marcos. “Bakit po noong 2006 ay nakapagpadala ng eroplano ang gubyerno para makauwi ang OFWs, bakit ngayon po ay hindi?” tanong ng isang OFW sa Lebanon na hanggang ngayon ay hindi nakakakuha ng eroplano pauwi. Nakatira ang naturang OFW at ang kanyang pamilya malapit sa Beirut, sa isang komunidad na tinarget ng malawakang pambobomba ng Zionistang Israel nitong nakaraang linggo.

AB: Teroristang pang-aatake ng Israel sa Middle East, kinundena ng mga migranteng Pilipino