Balita

Mga estudyante ng Cagayan de Oro, naglunsad ng 4-araw aktibidad ng pakikiisa sa Palestine

, ,

Sinimulan kahapon, Oktubre 28, ng Al-Raid Muslim Student Organization, isang organisasyong pang-estudyante sa University of Science and Technology of Southern Philippines (USTP), Cagayan de Oro City ang 4-araw na kampanyang “Stand with Gaza: Walk, Write, Speak, Pray.” Layunin nitong buuin ang “pagkikiisa at pakikipagdalamhati” ng mga kalahok sa aktibidad sa mga Palestino sa Gaza, lampas sa mga relihiyon at mga pagkakaiba. Panawagan nito sa mga estudyante na “manindigan para sa katotohanan, at gamitin ang kanilang boses para sa hustisya at kapayapaan.”

Ayon sa The Trailblazer, pahayagang pangkampus ng USTP, isa sa mga tagapagsalita sa pagbubukas ng aktibidad ay si Mohammad Khandalvi I. Sahisa mula sa Liceo de Cagayan University na nanindigang dapat ibalik sa mga Palestino ang kanilang lupa. “Walang pangangailangan para sa dalawang-bansang solusyon,” aniya. Tinukoy na isa lamang “delusyon” o kathang-isip ang itinutulak ng maraming imperyalistang bansa na “2-state solution” kung saan iiral ang Israel sa naagaw na nitong mga teritoryo at mananatili sa mga Palestino ang kakapiranggot na lamang nilang lupa.

Sa ikalawang araw, gumawa ang mga estudyante ng isang freedom wall, kung saan ipinaskil nila ang kanilang mga mensahe ng pakikipagkaisa sa Gaza. Kabilang sa isinulat ng mga estudyante ang kanilang pagluluksa, kasabay ang di natitinag nilang pag-asa at hangad para sa hustisya.

Inilunsad ang aktibidad kasama ang University Student Government, Student Council of Information Technology and Computing, Student Council of Science and Mathematics, Student Council of Engineering and Architecture, Student Council of Science and Technology Education at iba pang organisasyon. Lumahok dito ang mga estudyante mula sa Liceo de Cagayan University, Cagayan de Oro College, at Xavier University.

Inilunsad ang aktibidad sa gitna ng nagaganap na kampanyang henosidyo ng Zionistang Israel sa Gaza, kung saan nagdurusa ang halos dalawang milyong Palestino. Noong Oktubre 14, pumasok sa tiigl-putukan ang grupong Hamas at Zionistang Israel para ipatupad ang pagpapalaya sa mga bihag ng magkabilang panig at papasukin ang lubos na kinakailangang ayuda sa sibilyang populasyon sa Gaza.

Sa kabila nito, patuloy ang pang-aatake ng mga sundalo ng Israel at paglabag sa mga probisyon sa kasunduan. Lampas 90 Palestino ang napatay sa mga pang-aatake hanggang Oktubre 28, at karagdagang 91 ang napatay noong Oktubre 29 lamang, kabilang ang 29 mga bata. Imbes na 600 na trak ng pagkain kada araw, nasa 89-94 na trak lamang ang pinapapasok ng Israel sa Gaza sa nakaraang 19 araw o 15% lamang sa pinagkasunduang dami nito. Dahil dito, patuloy ang matinding gutom sa Gaza, laluna sa Northern Gaza.

AB: Mga estudyante ng Cagayan de Oro, naglunsad ng 4-araw aktibidad ng pakikiisa sa Palestine