Balita

Tigil-putukan sa pagitan ng Palestine at Zionistang Israel, magsisimula sa Enero 18

,

Matapos ang 460 araw nang walang patid na pang-aatake ng Zionistang Israel sa Gaza at matapang na armadong paglaban ng Hamas, Palestinian Islamic Jihad, Popular Front for the Liberation of Palestine at iba pang grupong Palestino, nagkasundo ang dalawang panig sa isang tigil-putukan. Inianunsyo ang pag-abot ng desisyon noong Enero 16 ng gubyerno ng Qatar, ang nagsilbing tagapamagitan sa usapan, kasama ang US at Egypt. Magkakabisa ang unang phase ng kasunduan sa Enero 18.

Sa isang pahayag, pinuri ng Hamas ang katatagan at dakilang paglaban ng mamamayang Palestino na tumulak sa Israel na sang-ayunan ang isang tigil-putukan para itigil ang gerang henosidyo sa Gaza Strip.

“Ang kasunduan upang wakasan ang agresyon sa Gaza ay isang tagumpay ng ating mamamayan, ng ating paglaban, at ng malayang mamamayan ng mundo,” pahayag ng grupo. Tinawag nitong “pivotal” o malaking pihit ang kasunduan sa pakikipaglaban, at na nagbibigay daan ito para sa paglaya at pagbabalik ng mamamayang Palestino sa kanilang mga teritoryo.

Kagitingan ng mamamayang Palestino

Nagpasalamat ang Hamas sa lahat ng suporta sa kanilang paglaban sa ibayong dagat, sa mamamayang Arabo, Islamiko, at iba pa, at sa lahat ng tumulong para mabunyag at tutulan ang okupasyon at agresyon ng Israel.

Pinuri ni Abu Obeida, tagapagsalita ng Al-Qassam Brigades, ang mga mandirigmang Palestino sa kanilang “tiyaga at matatag na paglaban” sa harap ng brutalidad ng Israel at US. Hinangad niya ang kapayapaan para sa lahat ng namartir na mandirigma, sa mga inosenteng bata pinaslang ng kaaway, at lahat ng inapi at pinahirap ng Zionistang estado.

Katulad rin nito ang pahayag ni Popular Front for the Liberation of Palestine (PLFP), isa sa mga grupong sangkot sa negosasyon, kasama ang Hamas at Palestinian Islamic Jihad.

“Sa araw na ito, ang ating mamamayan at kanilang kilusan ay magpapatupad ng kasunduan para itigil ang agresyon, simulan ang pag-atras ng pwersang Israeli at isagawa ang palitan ng mga detenido,” ayon sa Palestinian Islamic Jihad.

Nang simulan ang gerang henosidyo, nagpahayag si Benjamin Netanyahu, prime minister ng Zionistang estado na hindi aatras ang Israel sa agresyon nito hanggang makamit ang “absolutong tagumpay.”

Binigo ng mga Palestino ang plano ng Israel na palayasin sila at gapiin ang kanilang hangarin para maging malaya sa okupasyon at agresyong Israeli, ayon pa sa mga grupo.

“Ipinahiya nila ang kaaway, binasag ang arogansya at nagdulot ng tuluy-tuloy na pinsalang di maitatago sa gitna ng brutal na agresyo, mga konspirasiya at pagtatraydor,” ayon sa Palestinian Mujahideen Movement, isang grupong armado sa loob ng Gaza. Tinawag nitong “Zionistang Nazi” ang Israel, na suportado ng “kriminal na administrasyong US at iba pang pwersa ng kasamaan.”

Tatlong yugto ng kasunduan

Ang napirmahang kasunduan ay may tatlong yugto. Ang una ay katatampukan ng agad na pagtigil sa labanan at pagpapalaya ng Hamas ng 33 hawak nitong mga Israeli (bata, babae at matatandang edad 50 pataas) kapalit ng pagpapalaya ng Israel ng hanggang 2,000 bilanggong Palestino, karamihan pagkatapos ng Oktubre 7, 2023. Sa yugtong ito, oobligahin ang Israel na umatras mula sa mga sentro ng populasyon ng Gaza at bigyan daan ang pagpasok ng higit na kinakailangang ayuda para sa mga pamilyang Palestino.

Sa pangalawang yugto magaganap ang lubos na pag-atras ng Israel sa Gaza at sa pangatlong yugto sisimulan ang rekonstruksyon ng terirtoryong pinulbos nito. Lahat ng mga detalye sa pangalawa at pangatlong yugto ay isaiilalim sa negosasyon habang ipinatutupad ang yugto na tinatayang aabot ng anim na linggo.

Binati ng mga demokratiko at progresibong organisasyon sa buong mundo ang tigil-putukan.

“Ang tigil-putukan na ito ay isang tagumpay para sa mamamayang Palestino na nagdusa sa pinakakahindik-hindik, brutal at lantarang rasistang karahasang genocidal sa loob ng mahigit isang taon,” ayon sa International League of Peoples’ Struggles (ILPS) sa isang pahayag noong Enero 16.

“Hindi ito naabot dahil sa anumang gadanhang-loob ng mga Zionista o kanilang mga imperyalista, pasistang tagapagpondo,” anito. Naabot ang kasunduan dahil napwersa ang Israel dahil sa tinamo nitong mga kabiguang militar at pagkahiwalay sa internasyunal na komunidad.

“Ipinagdiriwang ng ILPS ang tagumpay na ito ng mamamayan sa kabila ng batid nitong hindi nito tinatapos ang Zionistang okupasyon at gerang henosidyo,” anito. Katunayan, patuloy na pinupupog ng Israel ang mga Gaza kahit matapos inanunsyo ang pagkakaroon ng kasunduan noong Enero 16.

Noong Enero 17, umaabot na sa 46,788 Palestino ang pinatay ng Israel sa gerang henosidyo nito sa Gaza. Kabilang sa bilang na ito ang 18,000 mga bata. Nasa 110,265 ang sugatan, kung saan 25% ay lubhang nasugatan. Kabilang dito ang 101 namatay at 264 nasuganta mula nang inianunsyo ang kasunduan sa tigil-putukan. Mahigit 90% ng populasyon ng Gaza ay napalayas sa kanilang mga tirahan.

AB: Tigil-putukan sa pagitan ng Palestine at Zionistang Israel, magsisimula sa Enero 18