Balita

Tinanggal na mga manggagawa sa kumpanya sa konstruksyon, nanindigan para sa separation pay

,

Nagpiket ang iligal na tinanggal na mga manggagawa ng AC Mojares Construction sa harap ng kumpanya sa Tandang Sora Avenue, Barangay Culiat, Quezon City ngayong araw, Oktubre 29, para igiit ang pagbibigay sa kanila ng nararapat na separation pay.

Ayon sa pederasyong Alliance of Nationalist and Genuine Labor Organizations-Kilusang Mayo Uno (ANGLO-KMU), insulto ang inalok na ₱10,000 na separation pay sa pagdinig sa pagitan nito at ng mga manggagawa sa National Labor Relations Commission (NLRC) ngayong araw. Apat hanggang 19 na taon nang nagtatrabaho sa kumpanya ang tinanggal na mga manggagawa.

Dagdag ng pederasyon, kasama rin sa panawagan ng mga manggagawa ang sahod para sa mga hindi bayad na overtime pay, holiday pay, rest day pay, at night shift differential.

Nanawagan ang ANGLO-KMU ng suporta para sa manggagawa laluna sa susunod pa nilang mga pagkilos.

Itinatag ang AC Mojares Construction ni Alejandro C. Mojares noong 1974. May mga kontrata ito sa konstruksyon sa lokal na gubyerno ng Quezon City, Department of Public Works and Highways (DPWH), Philippine Long Distance Telephone Co. (PLDT), Coca Cola Bottlers Philippines, Inc. (CCBPI), UP Los Baños Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS), Maynilad Water Services Inc. (MWSI), Manila Water Company Inc. (MWCI) at iba pang pribadong mga institusyon.

Gumagawa ang kumpanya ng mga daan, pader, tulay, gusali, linya ng tubig at iba pa. Milyun-milyon ang kinikita ng kumpanya sa mga kontratang ito.

AB: Tinanggal na mga manggagawa sa kumpanya sa konstruksyon, nanindigan para sa separation pay