Unang World Congress on Enforced Disappearances, isinagawa sa Switzerland
Daan-daan ang nagtipon at dumalo sa kauna-unahang World Congress on Enforced Disappearances na inilunsad sa Geneva, Switzerland noong Enero 15-16. Nagsama-sama sa kongreso ang mga kaanak ng mga desaparesido, mga organisasyon sa karapatang-tao, mga kinatawan ng mga gubyerno at internasyunal na mga institusyon para kolektibong sumulong at ikampanya ang pagpapatigil sa karumal-dumal na krimen ng sapilitang pagkawala.
Nagkaroon ng iba’t ibang talakayan sa dalawang araw na aktibidad na inorganisa ng United Nations (UN) Committee on Enforced Disappearances (CED), UN Working Group on Enforced or Involuntary Disappearances (WGEID), the UN Human Rights Office, at ang Convention Against Enforced Disappearances Initiative (CEDI).
Binuksan nila ang kongreso sa pagsasama-sama ng mga pamilya ng mga biktima sa entablado at pagbabahagi ng kanilang mga karanasan at epekto ng krimen na ito sa mga indibidwal at komunidad. Kasunod nito ang mga talakayan hinggil sa internasyunal na responsibilidad sa mga desparesido, pagpapalakas ng mga pamamaraan ng paghahanap, at pagprotekta sa mga biktima, mga tagapagtanggol ng karapatan, abugado at mga mamamahayag.
Sa kanyang talumpati, nanawagan si Nada Al-Nashif, United Nations Deputy High Commissioner for Human Rights, ng isang mas mahigpit at koordinadong pandaigdigang aksyon para sa mga desaparesido. Hinimok niya ang mga delegado ng kongreso na “magsama-sama, magbahagian ng kaalaman at mga aral, at palakasin ang tulungan at pampulitikang komitment para harapin ang kakila-kilabot na krimen na ito.”
Inilatag din sa kongreso ang kasunod at kaugnay pang mga aktibidad na kanilang ilulunsad para sa tuluy-tuloy na kampanya. Kabilang dito ang pagsuporta sa pagbubuo ng panrehiyong network na pangungunahan ng mga biktima sa Sub-Saharan Africa, pag-oorganisa ng regular na pulong ng mga kababaihang naghahanap, pagsubaybay sa mga pulong ng Committee on Enforced Disappearances (CED), pagsusulong ng ratipikasyon ng International Convention for the Protection of all Persons from Enforced Disappearance, pagpapalakas ng kakayahan ng mga organisasyong sosyo-sibiko para makipagtulungan sa mga ahensya ng UN, at pagsuporta sa pagbubuo ng pandaigdigang network ng mga kabataan laban sa sapilitang pagkawala.
Sa kasalukuyan, ang International Convention ay niratipikahan pa lamang ng 77 mga estado sa mundo. Hindi kabilang ang Gubyerno ng Republika ng Pilipinas sa mga pumirma at sumusuporta rito. Sa ilalim ng kasalukuyang rehimeng Marcos, naitala ng Ang Bayan ang hindi bababa sa 153 biktima ng pagdukot. Sa mga ito, hindi bababa sa 43 ang desaparesido at di pa rin natatagpuan. Samantala, 32 sa mga dinukot ang pinaslang, 29 ang ikinulong, 10 ang pinalalabas na “sumurender,” at 39 ang inilitaw ngunit patuloy na ginigipit ng estado. Sampu sa mga biktima ay mga bata na ginawang “hostage” ng militar. Marami sa mga kaso ay naitala sa kanayunan sa panahon ng matitinding operasyong kombat ng militar.
Ibinahagi ng Karapatan na dumalo sa kongreso si Edita Burgos, ina ng desaparesido na aktibistang si Jonas Burgos, nagsisilbing lider ng Desaparecidos (Pamilya ng Desaparecidos para sa Katarungan) at kasalukuyang bise presidente ng Karapatan. Nagbahagi ng kanyang karanasan si Burgos at nagsalita sa isa sa mga talakayan.