Unyon ng mga manggagawa sa FCF Manufacturing, nagkaisang magwewelga

Ang artikulong ito ay may salin sa English

Bumoto pabor sa welga ang mga kasapi ng Buklod ng Manggagawa ng FCF Manufacturing (BMFCFM) sa FCF Manufacturing Corporation dahil sa labis na barat at insultong ₱2 dagdag-sahod na alok ng kumpanya sa binubuo nitong Collective Bargaining Agreement (CBA). Isinagawa ng unyon ang “strike vote” mula Pebrero 29 hanggang Marso 3.

Mayorya ng mga myembro ng unyong BMFCFM ang bumoto pabor sa welga (1,040 boto) habang 100 lamang ang bumoto kontra dito. Nasa 3,000 ang manggagawa sa naturang kumpanya kasama ang mga kontraktwal. Matatagpuan ang pabrika nito sa Freeport Area of Bataan (FAB) sa Mariveles, Bataan. Gumagawa ito ng mamahaling mga produkto tulad ng leather bag at wallet na may tatak Coach at Kate Spade. Nakapailalim ang FCF sa Fashion Focus Ltd, isang kumpanya na nakabase sa China.

Binati ng Nagkakaisang Manggagawa sa FAB (NMFAB) ang BMFCFM sa matagumpay na botohan. “Napakahusay ng ipinakitang pagkakaisa ng mga manggagawa ng FCF upang ipaglaban ang kanilang mga kahilingan para sa taas sahod at benepisyo,” ayon sa mga ito.

Ang pagboto pabor sa welga ng mga manggagawa ay pagbigo sa lantarang pananakot at panunupil ng pamunuan ng kumpanya sa kanila. Matatandaang sikretong pinulong ng maneydsment ng FCF at kapatid nitong kumpanya na FPF ang mga manggagawa noong Pebrero 26 upang sindakin at ikampanya na huwag suportahan ang “strike vote.” Pinapalipat din ang mga maggagawa sa FPF at pinagreresayn nang walang matatanggap na bayad sa serbisyo sa kadahilanang wala umanong produksyon.

“Ipinakita lang nito na hindi nagpapadala sa takot ang mga manggagawa ng FCF at handang ipaglaban ang kanilang karapatan sa isang nakabubuhay na sahod at benepisyo,” pahayag ng NMFAB. Giit ng grupo, bagamat isa itong malaking tagumpay, simula pa lamang ito ng laban para sa taas-sahod at benepisyo.

Dapat umanong magsilbing senyal ito sa maneydsment ng FCF. Nanawagan ang unyon, na kung wala pa ring pakialam ang kumpanya sa hinaing ng mga manggagawa, at hindi tutugunan ang kanilang makatwirang kahingian, dapat “ituloy at paghandaan nang mabuti ang welga habang patuloy na iminumulat ang kapwa mga manggagawa sa pamamagitan ng pag-aaral sa ating kalagayan at himukin sila na makiisa sa ating laban.”

Ang pagwewelga ay makapangyarihang sandata ng mga manggagawa na nagpapakita na ang mga manggagawa ang lumilikha ng yaman sa pabrika, ayon sa NMFAB. “Sa pamamagitan din ng welga, maipapakita natin sa kapitalista na tayo ay tao rin na dapat mabuhay nang matiwasay at hindi isang kagamitan na kayang-kaya nilang itapon pagkatapos gamitin.”

AB: Unyon ng mga manggagawa sa FCF Manufacturing, nagkaisang magwewelga