US, nanunulsol ng gerang nukleyar sa Korea

, ,

Isang hakbang tungo sa gerang nukleyar ang sadyang ginawa ng US nang ipalayag nito sa karagatan ng Korea ang isang submarinong nagdadala ng mga armas nukleyar nitong Hulyo 18. Ibinalita sa iba’t ibang pahayagan ang kauna-unahang pagdaong ng naturang submarino sa Busan, South Korea sa loob ng apat na dekada. Huling nagpadala ng gayong submarino ang US sa Korea noong 1981. Unang inansyo ang pagdaong ng submarinong maarong magpakawala ng mga ballistic missile sa Korea noong Abril.

Kasabay nito, isinagawa ng US at tuta nitong estado sa South Korea sa unang pagkakataon ang Nuclear Consultative Group sa Seoul, kabisera ng bansa. Tinalakay sa pulong ang “pagpapaulad sa koordinasyong nukleyar” ng dalawang bansa at pagpapasigla ng “kahandaang militar” laban sa North Korea. Naganap ang pagpupulong sa gitna ng walang patid at malalaking war game sa pagitan ng dalawang bansa sa palibot ng North Korea.

Ang pagdaong ay bahagi ng papatinding panunulsol ng US para maglaban ang dalawang bahaging South at North Korea. Kasalukuyang nasa “pinakamababang antas” ang relasyon ng dalawang Korea dahil sa walang tigil na panunulsol ng US at lubos na pagpapakatuta ng presidente ng South Korea na si Yoon Suk Yeol.

Mariing kinundena ng Democratic People’s Republic of Korea ang panunulsol ng US. Ayon sa pahayag ni Kim Yo Jong, kapatid ng kasalukuyang lider ng bansa na si Kim Jong Un, lalo nitong pinalalabo ang posibilidad ng pagkakaroon ng usapang pangkapayapaan sa pagitan ng dalawang Korea. Handa ang bansa na labanan ang mga hakbang ng US na yurakan ang kanilang soberanya, aniya.

AB: US, nanunulsol ng gerang nukleyar sa Korea