Waldaserong Coast Guard, bumili ng mga sasakyang pangmayaman

,

Pinuna ng Commission on Audit ang pagwawaldas ng Philippine Coast Guard (PCG) ng pondo ng bayan sa pagbili nito ng bulletproof na sasakyang pangmayaman (luxury vehicle) na nagkakahalaga ng ₱7.8 milyon. Ang sasakyan ay nagkakahalaga ng ₱4.9 milyon habang ang pagpapa-bulletproof dito ay ₱2.8 milyon. Ang sasakyan ay para diumano sa “ligtas” na pagbyahe ng kanilang kumander. Bukod dito, bumili ang PCG ng 31 pang mga sasakyan na nagkakahalaga ng ₱1.9 milyon kada isa para sa iba nitong upisyal.

Pagdadahilan ng Coast Guard, hindi diumano galing sa regular na badyet ang ipinambili nito ng mga sasakyan kundi sa naipong “rebate” o refund mula sa Petron sa binili nitong produktong petrolyo para sa mga barko nito. Sa ulat sa COA, sinabi ng Coast Guard na nakaipon ito ng rebate na ₱163,210,601.08 mula 2018 hanggang 2022. Malaking bahagi nito (₱148,230,716.18) ay ginamit para sa pagbili ng mga sasakyang pangmayaman. Ito ay sa kabila nang meron nang 459 sasakyang pang-upisyal ang PCG.

“Hindi sapat na naipaliwanag” ng PCG kung bakit bumili ito ng karagdagang mga sasakyan, ayon sa COA. Labag din ito sa mga alituntunin ng estado, ayon sa ahensya.

Ang pagbili ng pangmayamang mga sasakyan para sa paglalamyerda ng mga upisyal ng estado at militar at kanilang mga pamilya gamit ang buwis ng mamamayan ay matagal nang kalakaran. Noong 2019, bumili si Rodrigo Duterte ng Gulfstream G280 na jet na nagkakahalaga ng ₱2 bilyon para sa sarili niyang gamit.

AB: Waldaserong Coast Guard, bumili ng mga sasakyang pangmayaman