Welgang transportasyon, idineklarang tagumpay ang unang araw

,
Ang artikulong ito ay may salin sa English

Idineklara ng mga grupong Piston at Manibela na tagumpay ang unang araw ng welgang transportasyon kahapon, April 15. Ayon sa PISTON, umabot a 400 dyip ang lumahok sa protesta mula sa University of the Philippines patungong upisina ng LTFRB para igiit ang pag-atras ng pwersahang konsolidasyon ng prangkisa sa darating na Abril 30. Panawagan nila, muling igawad sa mga drayber at opereytor ang 5-taong indibidwal na prangkisa.

Sa taya ng grupo, nasa 80% ng mayor na mga ruta sa Mertro Manila ang napahina, at ilang bahagi ng Cavite at Laguna ang naparalisa. Nagkaroon din ng katulad na mga pagparalisa sa Iloilo City, Bacolod City at Cebu.

Kinutya ng mga grupo ang pahayag ng MMDA na “walang epekto” ang welga. Kinwestyon nila ang pagtalaga ng 6,000 pulis laban sa kanila sa Quezon City. Nagpakalat rin ng mga pulis sa Cavite at Laguna laban sa mga welgista.

“Kung walang epekto ang strike, bakit ang daming pulis? Bakit andaming hinaharass na mga nagwewelga? Bakit andaming stranded na komyuter?” bwelta ng Piston sa MMDA. Bago ang welga, isinuspinde na ng Department of Education at mga unibersidad ang mga klase para sa Abril 15 at 16 dahil inaasahang tiyak na marami ang mahihirapang sa masasakyan.

Sa byahe patungong LTFRB, tinangka pang harangin ng mga pulis ang mga nagwewelga. Dahil sa paggigiit ng mga drayber at opereytor, nagawa nilang umabot sa upisina ng LTFRB at doon nagpalipas ng gabi.

Kaninang umaga, Abril 16, tumulak sa Welcome Rotonda ang mga tsuper at kanilang mga tagasuporta.

Daan-daang mga estudyante at iba pang komyuter ang nakiisa sa welga. Tuluy-tuloy pang umaani ng suporta ang kanilang makatarungang laban. Ang 2-araw na welga na ito ay bahagi sa serye ng mga aktibidad na isasagawa ng Piston at Manibela hanggang katapusan ng buwan.

AB: Welgang transportasyon, idineklarang tagumpay ang unang araw