100 taong dinastiya ng Ortega, 100 taong bulok na paghahari sa La Union

,

Malinaw na ipinakita ng pamilyang Ortega ang bulok na mukha ng kanilang dinastiyang paghahari sa probinsya ng La Union sa kakatapos na State of the Province Address (SOPA).

Sa nasabing SoPA ay inihayag ng nakababatang Ortega ang mga “nagawa” nito para sa probinsya. Ngunit sa buong talumpati ay walang nabanggit sa totoong kalagayan ng mamamayan ng La Union. Ang mga nilahad na estadistika at datos ay hindi sumalamin sa krisis at kahirapan ng mga KaProbinsyaan.

Mas naging kapansin-pansin ang layuning politikal ng nasabing SoPA. Malinaw na paghahanda na sa paparating na halalan ang kanilang ginagawa. Sinisisi ng batang Ortegang gobernadora ang sangguniang panlalawigan sa mga proyektong hindi naipatupad. Paulit ulit ang kaniyang pangbibida sa sarili, na siya ay matapat at pawang serbisyo ang nais ihatid sa mamamayan. Ang nakatatandang Ortegang bise gobernador naman ay nagbigay ng pangaral hinggil sa ano ang “tamang” pamamaraan ng pamumuno. Ibinida rin ng bise gobernador ang mahabang karanasan sa serbisyo publiko, na wala pa sa kalingkingan ng ginagawa di umano ng gobernadora sa ngayon.

Isang sirko! Nagmula sa iisang naghaharing pamilya ang mga nagbabangayan na pulitikong ito. Nais nilang panatilihin sa kanilang mga kamay ang kapitolyo. Yaon ang puno’t dulo. Hindi serbisyo publiko ang hangad nila kundi pagtitiyak ng kabuhayan ng pamilya. Ang mga pondo at budget na nais maapruba, korupsyon din naman ang patutunguhan at pondo sa halalan. Ang mga paniningil sa iba at papuri sa ilang myembro ng sangguniang panlalawigan ay pagtitiyak ng mga kaalyado sa paparating na eleksyon.

Tingin ng mga Ortega ay kapitapitagan ang ibinabandera nilang 100 daang taon ng pamumuno sa probinsya? Sa totoo ay kahihiyan ito para sa kanilang pamilya. Sa ilang dekadang minonopolyo nila ang kapangyarihan ay naisadlak lamang sa kahirapan at kagutuman ang mamamayan ng La Union. Mga Ortega rin mismo ang pasimuno ng warlordismo sa probinsya. Walang pinag iba sa mga dinastiya sa iba pang bahagi ng Pilipinas, sila ay nagpakabusog sa yaman mula sa pawis at dugo ng mamamayan lalo na, ng masang magsasaka at mangingisda ng probinsya. Ito ang kongkretong larawan ng burukrata kapitalismo sa Ilocos.

Sa paparating na halalan, tiyak na pare-parehong pangalan ang makikita natin sa mga poster, polyeto at balota. Ang laro ng burges at reaksyunaryong halalan ay usapin ng guns, goons and gold kung saan kung sino ang mayroon ang tatlong ito ang siyang mananalo. Hindi tayo aasa na ang eleksyon ay magdadala ng makabuluhang pagbabago lalo’t pare-parehong mukha at pangalan ang umuupo sa pwesto.

Ang tunay na pag-unlad ay maibubunga lamang ng rebolusyonaryong pakikibaka ng mamamayan. Ang pambansa-demokratikong kilusan lamang ang may malinaw, syentipiko at komprehensibong programa na tutugon sa kahilingan at pangangailangan ng masang anakpawis.

Marapat na buwagin ang mga dinastiyang politikal tulad ng mga Ortega. Kinakatawan ng mga dinastiyang ito ang paghahari ng mga mapagsamantalang uri ng panginoong maylupa at malalaking burges kumprador sa bansa. Ang mga naghaharing dinastiya sa Ilocos ay mga galamay ng dinastiyang Marcos na kumakatawan sa rehimeng kontra-mamamayan at papet ng imperyalistang US.

Mabubuwag ang mga bulok na dinastiya ng naghaharing-uri sa bayan at mabibigyang daan ang tunay na gubyerno ng nakararaming masang maralita at inaapi sa pagtatayo ng mga organo ng kapangyarihang pampulitika ng masa. Gagawin ito sa pagtatayo ng mga balangay ng rebolusyonaryong organisasyon ng masa kagaya ng Pambansang Katipunan ng Magbubukid, Kabataang Makabayan, Makabayang Kilusan ng Bagong Kababaihan at iba pang rebolusyonaryong kapisanan ng masa sa ilalim ng National Democratic Front of the Philippines.

Ito ay kaakibat ng pagsusulong ng armadong pakikibaka at pagpapalakas ng Bagong Hukbong Bayan, sa mahigpit na pamumuno ng Partido Komunista ng Pilipinas upang matiyak ang pagbubuwag sa mga burukrata kapitalistang dinastiyang pulitikal at pagtatayo ng demokratikong gubyerno ng bayan na magsusulong ng pambansa-demokratikong programa na lulutas sa daan-taong paghihirap at pagsasamantala ng mamamayang Pilipino.

100 taong dinastiya ng Ortega, 100 taong bulok na paghahari sa La Union