Pahayag

16th IB, panganib sa kababaihan ng Camarines Norte

,

Mariing kinukundena ng masang CamNorteño at buong rebolusyonaryong kilusan ng Camarines Norte ang panghahalay ng mga elemento ng 16th IBP sa dalawang babae na pawang mga residente ng Barangay Bagong Silang 2 at Barangay Daguit sa bayan ng Labo noong buwan ng Oktubre.

Lubos na nagngangalit ang masang CamNorteño sa mga pasistang militar. Malinaw na ang ganitong klase ng krimen ay hindi gawain ng matitinong tao, kundi ng mga demonyo.

Binabatikos ng Bagong Hukbong Bayan-Camarines Norte (Armando Catapia Command) ang 16th IB, sa pangunguna ng commanding officer nito na si Lt. Col. Warren O. Daroy, sa pagtatago ng pangalan ng mga tauhan nito na sangkot sa kasong ito ng panggagahasa upang makaiwas sila sa kanilang kriminal na pananagutan.

Matatandaan na Oktubre rin noong taong 1988 nang halayin ng tropa ng 16th IB ang isang babae na katutubong Manide. Matapos ang panghahalay ay nilaslas ang dalawang suso ng babaeng katutubo at ginutay-gutay ang katawan nito, hanggang tuluyan siyang mamatay.

Numero uno ang AFP-PNP-CAFGU sa matinding paglalapastangan at pang-aabuso sa karapatan ng kababaihan. Saan man may presenya nila ay naroon ang panganib sa kababaihan.

Marapat lamang singilin ng masang CamNorteño ang mga punong upisyal ng baryo sa kabiguan nilang protektahan at pangalagaan ang kaligtasan ng taumbaryo at pagsasapanganib ng kanilang buhay dahil sa pagbibigay pahintulot na manatili sa kanilang mga barangay ang mga pasistang AFP-PNP-CAFGU.

Pinatunayan na sa maraming karanasan na saan man mayroong presensya ng AFP-PNP-CAFGU ay naroon ang aktibong kaso ng mga iligal na bisyo katulad ng droga, pang-aagaw ng asawa, pagsasamantala sa kababaihan at kabataan at pasismo laban sa mga magsasaka at iba pang sektor.

Hinihikayat ng BHB-ACC ang mamamayan, laluna ang mga pamilya ng biktima na ilantad ang anumang tipo ng karahasang militar sa kanilang mga komunidad sa pamamagitan ng social media, sa radyo, pagdulog sa barangay hanggang sa bayan kung kinakailangan. Nakahanda ang BHB-ACC na gumawa ng mga hakbang sa abot ng makakaya nito upang makamit ang hangad na katarungan ng mamamayan.

16th IB, panganib sa kababaihan ng Camarines Norte