Pahayag

2026 ASEAN Summit, daluyan ng papatinding gerang agresyon ng US sa Indo-Pacific

,

Mariing kinukundena ng Melito Glor Command-NPA ST ang sagadsaring pagiging tuta at piyon ng gubyerno ni Marcos Jr sa pagbubuyangyang ng bansa sa mga aktibidad na Balikatan 41-2026 at 2026 Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) Summit na kapwa nagtapos nitong Mayo 8. Dalawang susing aktibidad para sa pagpihit ng mga plano sa ekonomya at militar ng 11 bansa sa Southeast Asia upang iayon sa geopolitical na plano ng US sa Indo-Pacific na nakatutok sa pang-uupat ng gera laban sa China at pagsustine ng gerang agresyon sa Iran sa Middle East.

Isa sa mayor na tinalakay sa ASEAN ang nagdaang krisis sa langis kung saan naging panukala ang “Fuel Sharing Framework”. Ngunit kahit sa pagtatapos ng summit ay walang kongkretong hakbangin para rito, ni walang sistema ng pagpaprayoritisa kung aling bansa ang dapat makakuha ng suplay. Tiyak na ang US ang tatayong sentrong magpapataw ng otoridad para i-“regulate” ang mga rekurso batay sa pangangailangan ng bawat bansa, isang hakbanging tiyak na pambabakod laban sa China at iba pang karibal. Sa Pilipinas pa lamang, nagdudusa ang mamamayang Pilipino sa dagdag pasaning excise tax at value added tax na pinakamataas sa buong Southeast Asia.

Napaka-ipokrito ng US na nagpoposturang nais lutasin ang problema sa energy crisis sa Southeast Asia na puso umano ng nagtapos na ASEAN Summit. Sa totoo lang, kung hindi niya inatake ang Iran, wala sanang nagsarang mayor na lagusan ng suplay ng langis o ang kipot ng Strait of Hormuz. Apektado nito ang lahat mula sa kuryente, pagkain, transportasyon, kakulangan sa abono ng mga magsasaka dahil sa energy costs at pagbulusok ng ekonomya.

Nagsayang lang ng laway ang mga lider ng Southeast Asia dahil sa ilang araw na aktibidad ay walang nabuong mga pasya na lulutas sa pundamental na problemang inihapag nila sa mayor na problema sa ekonomya sa gitna ng krisis. Mismong si Marcos Jr ay naiwan na puno ng mga tanong pero panay “oo” naman sa mga rekwes ng among imperyalismong US.

Kabaliktaran ng posturang diplomatiko ng ASEAN, kabangisan sa teritoryo ng mamamayang Asyano kabilang ang mga Pilipino ang idudulot ng mga kasunduan sa ekonomya na tumatagos hanggang sa usaping pulitiko-militar. Ang tunay na “tagumpay” ng ASEAN Summit ay ang pagkakaroon ng hulma ng maiitim na balak ng US sa Indo-Pacific na napakalaki ng pihit para sa Pilipinas at buong rehiyon. Itatayo nito ang Maritime Centre sa Cebu City sa tabing na layuning freedom of navigation, maritime safety, emergency response at coastguard coordination. Lalo nitong itataas ang antas ng probokasyon sa China ng US kasabay ng mga aktibidad nitong Balikatan 41-2026.

Ang hidwaan sa Middle East na nais umanong resolbahin ng ASEAN ay malulutas lamang sa pagtigil ng US sa pag-atake sa Iran at iba pang mga bansa sa rehiyong ito. Simple lang — ang puno’t dulo ng mga kaguluhan at krisis sa ekonomya, pulitika at militar ay ang paglikha ng US ng mga gera dahil hindi nito kayang tanggapin na tuluy-tuloy niyang inililibing sa hukay ang sarili bunsod ng krisis na likha ng monopolyong kapitalismo. Ang hindi pagkondena ng ASEAN sa gyerang agresyon ng US-Israel sa Iran ay patunay sa pagkiling nito sa US kung hindi man sa pagiging papet na estado nito tulad ng Pilipinas.

Sukang-suka na ang mamamayan sa pambobola ng mga katulad na alyansang pangrehiyon sa pangunguna ng US para lamang kaladkarin sila sa landas ng mapangwasak na gyerang mapanakop laban sa kanyang mga karibal na imperyalistang bansa, sa mga bansa at mamamayang naggigiit sa kanilang karapatang maging malaya at sa mga mamamayang api sa mga kolonyal at mala-kolonyang bansa. Lalo ngayong nagiging mabangis at walang pakundangan ang imperyalismong US upang ipaggiitan ang kanyang hegemonya sa daigdig sa harap ng walang kaparis na krisis na kanyang dinaranas kasabay ng tuloy-tuloy na paghihingalo at pagkaagnas ng pandaigdigang sistemang kapital. Higit at lubha ang pagiging mapangwasak at kasibaan nitong angkinin ang lahat.

Sa ganitong tindi ng krisis sa lahatang panig sa ekonomya, pulitika at militar, dapat higit na magpunyagi ang rebolusyonaryong mamamayan at konsolidahin ang pinakamalawak na hanay ng aping mamamayan ng daigdig sa paglahok sa pandaigdigang proletaryong rebolusyon. Sa Pilipinas, kailangang buong-loob at giting na sabanain ng mga rebolusyonaryong pwersa ang hamon ng mabilis na pagbawi at pagwawasto upang mapamunuan ang laban ng masang anakpawis sa patnubay ng Communist Party of the Philippines (MLM).

Dapat mabilis at mapagpasyang mabalikan at makonsolida ang mga binhi ng Pulang kapangyarihan sa kanayunan sa pagpapanibagong-lakas ng New People’s Army kasabay ng pagsusulong ng mga pakikibakang masa at rebolusyong agraryo hanggang sa muling pagtatayo ng mga organo ng kapangyarihang pampulitika. Sa ganito lamang tunay na makikita ng masang Pilipino ang katumpakan ng paggugubyerno sa kanilang sarili habang itinataguyod ang sariling depensa laban sa taksil na republikang ipinapagahasa ang inang bayan sa imperyalismong US.

Palahukin ang pinakamaraming bilang ng Pulang mandirigma na magtatanggol sa mamamayang Pilipino at magsusulong ng demokratikong rebolusyong bayan para kamtin ang tunay na kalayaan at demokrasyang ipinagkakait ng pananatili ng reaksyunaryong estadong kontrolado ng imperyalismong US.

Malayo pa ang lalakbayin sa pagsusulong ng matagalang digmang bayan hanggang sa pagsilip sa sosyalistang bukas ngunit nasa ating mga balikat sa kasalukuyan ang pagpapabilis ng pagkamit sa mga rekisitos habang nauuga ang multipolar na kaayusan ng mundo.

Panata ng MGC, kasama ang lahat ng Pulang kumander at mandirigma nito na ibibigay ang lahat ng makakaya at sasamantalahin ang kumukulong sitwasyon para isulong ang mga programa ng Partido at lumaban kasama ang malawak na hanay ng masang api hanggang tagumpay.

2026 ASEAN Summit, daluyan ng papatinding gerang agresyon ng US sa Indo-Pacific