Pahayag

203rd Brigade, bigong lipulin ang isang yunit ng NPA-Mindoro

Binabati ng Melito Glor Command-NPA Southern Tagalog ang isang yunit ng Lucio de Guzman Command (LdGC)-NPA Mindoro sa pagbigo sa pang-aatake ng 203rd Brigade. Noong Nobyembre 5, aktibong nagdepensa ang isang yunit ng LdGC sa dalawang magkasunod na labanan sa 76th IBPA sa Barangay Villa Pag-asa, Bansud, Oriental Mindoro, bandang alas-singko ng hapon. Anim ang patay sa kaaway habang walang kaswalti sa NPA.

Iniresulta ang labanan ng masinsing operasyong militar ng 203rd Brigade mula Oktubre. Daan-daang tropang militar ang nanghahalihaw sa mga komunidad sa Bansud at mga katabing barangay sa Bongabong na nagresulta sa iligal na pang-aaresto, tortyur, pagbabanta, harassment, intimidasyon, panlilinlang, saywar at sarbeylans. Bahagi ito ng desperasyon ng rehimeng US-Marcos II na pagmukhaing tagumpay ang kampanyang supresyon laban sa rebolusyonaryong kilusan. Noong Agosto, itinakda ng 203rd Brigade na malilipol nito ang mga yunit ng NPA sa Mindoro bago matapos ang taon.

Ang patuloy na pagbigo ng mga yunit ng NPA sa Mindoro, rehiyon at iba pang panig ng bansa sa pananalakay ng AFP-PNP ay nagpapatunay na nananatiling pangarap na gising lamang ng estado ang pagwawakas sa CPP-NPA-NDFP. Nakahanda ang mga yunit ng NPA na labanan ang palalong kaaway buhay man ay ialay para sa pagsasakatuparan ng tungkuling ipagtanggol ang bayan at durugin ang bulok na estado. Higit na pauunlarin ng mga yunit ng NPA ang kakayahan sa pakikidigmang gerilya upang bigwasan ang kaaway at ipawalang-saysay ang artipisyal nitong lakas na labis na nakaasa sa mga makabagong sandata.

Higit pa rito, pinatutunayan ng kabiguan ng AFP na patuloy na sinusuportahan ng malawak na masang anakpawis lalo ng mga magsasaka sa kanayunan ang NPA. Mula’t sapul, batid ng mga Mindoreño na tanging ang NPA ang nagtaguyod at nagtanggol sa kanilang buhay, kabuhayan, karapatan at mga mithiin. Nagtatagumpay ang NPA Mindoro sa mga rebolusyonaryong gawain nito at patuloy na nagpupuyagi sa makasaysayang tradisyon at pagkamakatarungan ng pakikibaka sa isla at buong bansa.

Hindi mapakali ang 203rd Brigade matapos ang labanan lalo’t naganap ito malapit sa kanilang headquarters sa Bansud. Walang silbi ang pinagyayabang nitong mga sukong NPA at modernong gamit paniktik sa pagsukol sa NPA. Dahil sa sariling inisyatiba at baseng masa ng NPA, hinding-hindi ito magagapi ng mga palalong pasista.

203rd Brigade, bigong lipulin ang isang yunit ng NPA-Mindoro