203rd IBde, bigo sa dalawang labanan sa Mindoro
Sa araw ng pagbubukas ng kampanyahan para sa mid-term elections, binigo ng dalawang yunit ng Lucio de Guzman Command (LdGC)-NPA Mindoro ang mga atake ng 68th IBPA at 4th IBPA ng 203rd Infantry Brigade ngayong Pebrero 11 sa Sityo Kalinisan, Barangay Bayutbot, San Jose, Occidental Mindoro at sa Sityo Tignoan, Barangay Teresita, Mansalay, Oriental Mindoro. Naganap ang labanan bandang alas-6 ng umaga sa San Jose habang bago ang alas-7 ng umaga sa Mansalay.
Nagtamo ang AFP ng di bababa sa 4 na kaswalti sa aktibong pagdepensa ng mga Pulang Hukbo. Batay ito sa ulat ng dalawang yunit ng LdGC. Nakaatras naman nang ligtas ang Pulang Hukbo.
Ang naganap na magkasunod na labanan ay naglalantad sa kahangalan ng AFP at NTF-Elcac na nagyayabang na “wala na ang 88 sa 89 larangang gerilya sa buong bansa.” Nalantad sa pahayag ng 203rd IBde ang kasinungalingan nito noong Disyembre 2024 na anim na NPA lang ang nakasagupa ng 4th IBPA sa Timog Mindoro. Sa pahayag ngayon, sinabi ng mga pasista na “tinatayang 20 miyembro ng NPA” ang kanilang naka-engkwentro. Nagkakabuhul-buhol na ang kanilang dila dahil ang totoo, mangmang sila sa tunay na bilang at lakas ng NPA. Kahiya-hiya pang ang kanilang hanay ang nagtamo ng matinding pinsala sa kabila ng pagbuhos sa militar ng dambuhalang rekurso ng reaksyunaryong gubyerno.
Ang mga operasyong militar ng 203rd IBde sa kasalukuyan ay nasa balangkas ng plano ng AFP na tugisin ang NPA sa tabing ng pagpapatupad ng “malinis at mapayapang halalan”. Kakabit din ng kanilang operasyon ang black propaganda sa NPA bilang ‘extortionist’ sa pagpapataw ng rebolusyonaryong kilusan sa pag-iisyu ng campaign access permit (CAP) sa panahon ng mga burges na halalan. Kung tutuusin, alam na alam ng masang Mindoreño kung sino ang tunay na manghuhuthot at garapalang magnanakaw sa pondo ng mamamayan. Ito’y walang iba kundi ang rehimeng US-Marcos II at ang armadong pwersa nitong AFP na binabaha ng pondo upang walang habas na maghasik ng terorismo sa kanayunan. Katunayan, matapos ng mga labanan ay ilang ulit na lumipad ang mga Blackhawk helicopter sa isla ng Mindoro para bigyang suporta ang napalabang tropa. Daang libong piso ang ginagastos sa mga helicopter na ito. Kabulastugan din ang pagpapanggap ng AFP na tagapagtaguyod ito ng malinis na eleksyon gayong sila ang nagsisilbing protektor at utusan ng mga bulok na burukrata-kapitalista na nandaraya at nagpaparumi sa halalan.
Muli naming ipinababatid sa mamamayan na ang patakaran ng rebolusyonaryong kilusan na ipinapatupad ng NPA tuwing panahon ng reaksyunaryong eleksyon ay bahagi ng karapatan at tungkulin ng Demokratikong Gubyernong Bayan (DGB) bilang hiwalay na gubyerno. Isang realidad ang pag-iral ng dalawang kapangyarihang pampulitika sa Pilipinas—isang reaksyunaryo na kinakatawan ng Gubyerno ng Republika ng Pilipinas at ang DGB na kumakatawan sa mga rebolusyonaryong pwersa na naghahangad na palitan ang bulok, pasista at tutang estado. Sa mga sona at larangang gerilya hanggang sa mga piling sentrong bayan, ipinatutupad ng DGB ang mga responsibilidad at tungkulin sa pagpapatakbo ng sariling gubyerno habang nakikibaka para pabagsakin ang reaksyunaryong estado.
Ang pag-iisyu ng CAP una sa lahat ay batay sa interes ng masa at bahagi ng pag-eehersisyo ng DGB ng kapangyarihan sa saklaw nito. Ang reaksyunaryong eleksyon sa Pilipinas ay panahon ng pagdagsa ng guns, goons, gold at glitches na nagdudulot ng kaguluhan sa kabuhayan at buhay ng mamamayan. Inoobliga ng DGB ang lahat ng mga kandidato na kumuha ng permiso, maaaring sa pamamagitan ng mga kumand ng NPA kung nais nitong makapasok at malayang makapangampanya sa saklaw na mga teritoryo ng gubyernong bayan. Kabilang sa patakaran ang pagbabawal sa mga kandidato na magdala ng armadong pwersa at paggamit ng pera at dahas sa pangangampanya sa saklaw ng DGB.
Sa panahon ng burges na halalan, sinisikap ng NPA na ipauna ang kapakanan ng mamamayang saklaw ng DGB mula sa atake ng mga hunyangong pulitiko at tunay na teroristang AFP. Ang mga napalabang yunit ng NPA Mindoro ay nagsasagawa ng pampulitikang edukasyon sa hanay ng mamamayan upang imulat sila sa tunay na kalagayan ng lipunan at limitasyon ng repormistang hanging dala ng eleksyon. Kailanman hindi sinagkaan ng NPA ang kagustuhan ng mamamayan na lumahok sa eleksyon habang matiyagang hinihimok silang suportahan ang rebolusyon bilang tunay na solusyon sa kahirapan at kaapihan.