Pahayag

203rd IBde salarin sa nawawawalang tatlong kabataan ng Sityo Kulitob, Panaytayan, Mansalay, Oriental Mindoro

Naghuhugas kamay at nagmamaang-maangan ang 203rd Bde sa kanilang pananagutan sa nawawalang mga kabataan sa Sityo Kulitob, Barangay Panaytayan, Mansalay, Oriental Mindoro. Sa Facebook post ng 1st “Exemplars” Company, 2nd CMO Batallion noong Oktubre 22 ay nanawagan at humihingi ng tulong si Mani Umyagan, ang ina ng nawawalang magkakapatid na sina Isar, 25 anyos, Iwit, 19 anyos at Ninoy, 17 anyos, mga Hanunuo-Mangyan na pawang residente ng nabanggit na sityo.

Ang CMO Bn, 1stIB PA, at mga yunit sa ilalim ng 203rd Bde din lamang ang nakakaalam kung anong sinapit ng mga kabataang ito. Iligal nilang inaresto ang mga kabataan noong Setyembre 12, habang pauwi ang mga ito sa kanilang tahanan mula sa tyanggian sa Sityo Tagascan, Barangay San vicente, Roxas. Mahigit nang isang buwan na hawak ng mga sundalo ang mga kabataan na hanggang ngayon ay hindi pa inililitaw. Ang kasundaluhan din lamang ang dapat tumugon sa panawagan at magbalik sa mga ito sa kanilang pamilya.

Sa pag-post sa kanilang Facebook Page ng panawagan, nais pagtakpan ng mga sundalo ang kanilang krimen sa pakunwaring pagmalasakit at serbisyo publiko gayong sila ang may kagagawan sa pagkawala ng nasabing mga kabataan. Biktima ang mga ito nang ibaling ng kasundaluhan ang galit nila sa mga inosenteng sibilyan nang nabigo ang 1st IBPA na sugsugin ang yunit ng NPA na kanilang nakalaban noong Setyembre 9, 2025 sa Sitio Tugas, Barangay San Vicente, Roxas. May malaking kaswalti sila sa labanang ito kung kaya nagngingitngit ang mga berdugo.

Bago ito ay iligal na inaresto at ibininbin si Bado Aytag noong Setyembre 11, malapit sa kanilang tahanan sa Sityo Kulitob. Maghapon nila itong hawak bago pa pinauwi sa kanyang bahay. Mas nauna pa, matatandaang iligal na inaresto, idinitine at pinatay ang pinsan nitong si Hulyo Aytag ng mga elemento ng 4IBPA noong Marso 14, 2025. Hinuli nila si G. Hulyo noong Marso 10 sa Sityo Kulitob, sapilitang dinala sa kampo, ininteroga, idinitine at isinama sa operasyon hanggang sa pinatay noong Marso 14, 2025 sa Sityo Buro- buro, Barangay Panaytayan. Pinalabas na napatay siya sa isang sagupaan sa pagitan ng 4IB-PA at yunit ng NPA iupang pagtakpan ang kanilang ekstra-hudisyal na pagpaslang ng sibilyan.

Ang pagkawala ng tatlong kabataan sa kamay ng mga berdugong sundalo ng 203rd Brigade ay dagdag sa tigmak-sa-dugong rekord nito. Hindi pa sila nasapatan sa kanilang walang-habas na pang-iistraping mula sa ere at panganganyon noong Setyembre 9 hanggang 10 na nagdulot ng sapilitang paglikas ng daan-daang indibidwal mula sa mga sityo ng Tugas, Swerte at mga karatig na pamayanan.

Ang mahabang talaan ng karahasan ng 203rd Bde-PNP MIMAROPA ay nagpapakita ng desperasyon ng kasundaluhan at kapulisan na armadong galamay ng estado at labis ang pagkatakot sa mamamayan dahil sa pagkahiwalay nito sa pulitika at opinyong publiko. Walang sinumang sibilyan ang tatangkilik sa mga berdugong ito dahil sa kasamaang pinakakawalan nito at ang pananalasa nila sa buhay, kabuhayan at karapatan ng mamamayan laluna sa kanayunan kung saan makararanas ng labis na kaapihan at pagsasamantala ang mamamayan laluna ang mga katutubong Mangyan at magsasaka sa kamay ng mga panginoong maylupa, burgesya kumprador at mga burukrata kapitalista na nangangayupapa sa interes ng imperyalistang US.

Hindi dapat maranasan ng mga kabataang ito ang sinapit ni G. Hulyo Aytag na kapareho nilang residente ng Sityo Kulitob. Dapat na manawagan ang mga kapamilya at kababaryo ng mga kabataang ito na ilantad ang ginawang pagdukot sa kanila ng mga sundalo. Dumulog sila, kasama ang mga lider ng pamayanan, mga opisyales ng barangay, maging sa antas ng munisipal at nagmamalasakit na kaibigan upang maipakita ang malawak na pagtutol ng mga Mindoreño sa mga karahasang pinakakawalan ng 203rd Bde-PNP-MIMAROPA hindi na lamang sa 3 kabatann kundi kasama ang iba pang biktima ng terorismo ng estado. Huwag nilang tigilan ang paghahanap, sukdulang kasuhan upang mapanagot ang mga kasundaluhan upang obligahin silang ilitaw ang nawawalang mga kabataan at maibalik sa kanilang pamilya sina Isar, Iwit at Ninoy.

Dapat na ilantad ang panlilinlang, pagkukunwari ng malasakit sa kanilang biktima at paghuhugas-kamay ng mga elemento ng 203rd Bde. Ang pagdukot at pagtatago sa magkakapatid na Umyagan at ilegal na pag aresto kay G. Bado ay ilan lamang sa mga kaso sa isla ng Mindoro. Nagtutuloy-tuloy ang mga terorismo ng estado hindi lamang sa mga pamayanan sa Panaytayan kundi sa lahat ng komunidad ng mga mangyan at mga magsasaka.

Kailangang kumilos ang mamamayang Mindoreño upang ipagtanggol ang mga karapatang pantao. Panagutin ang 203rd Bde at ang PNP-Mimaropa sa mahaba na nitong listahan ng krimen laban sa mamamayan.

Kailangang maunawaan ng mamamayan na sa paglahok sa digmang bayan sa balangkas ng demkratikong rebolusyong bayan ang tanging daan upang mabigyang katarungan ang mga biktima ng mga karahasan na naranasan sa kamay ng pasistang sundalo.

Ilitaw sin Isar, Iwit at Ninoy Umyagan!

Panagutin ang 1stIB at lahat ng kasundaluhan sa ilalim ng 203rd Bde sa mga krimen nito sa mamamayang Mindoreño.

Katarungan para sa mga biktima ng paglabag sa karapatang pantao!

Magtanggol laban sa pasismo ng sundalo! Sumapi sa Bagong Hukbong Bayan!

203rd IBde salarin sa nawawawalang tatlong kabataan ng Sityo Kulitob, Panaytayan, Mansalay, Oriental Mindoro