20th IB, pasimuno ng mga "peace rally" sa Northern Samar
Katahimikan ng libingan at hindi tunay na kapayapaan ang itinataguyod ng mga pekeng “peace rally” sa Northern Samar na itinaon sa ika-57 anibersaryo ng Partido noong Disyembre 26. Malinaw na ang 20th Infantry Battalion ang nasa likod nito, ang parehong berdugong batalyon na isang buwan nang nagsasagawa ng operasyong kombat sa mga bayan at ilang taon nang naghahari-harian sa mga komunidad kung saan idinaos ang mapanirang aktibidad.
Bigo ang mga kampon ni Lt. Col. Tim Clavel na palabasing kusang-loob na sinisiraan ng mga residente ng Bonifacio, Catubig, Bulao at San Isidro sa Las Navas, at Cagmanaba sa Jipapad ang Partido. Kilala ng masa ang 20th IB bilang pumaslang kay Kap Pening Lebico ng Barangay San Miguel, Las Navas noong 2019, nag-istraping sa dalawang menor de edad sa Barangay Roxas, Catubig noong 2022, nambomba sa Barangay San Isidro nitong 2025, at napakarami pang pasistang krimen. Katunayan, ang berdugong batalyon ang nasa likod ng karamihan (22%) ng paglabag sa karapatang pantao sa Eastern Visayas mula 2018-2025.
Alam din ng masa na ang militar, hindi ang Partido o BHB, ang sapilitang nagpapasuko sa mga sibilyan, ang bumubuwag sa kanilang mga samahan, at siyang tagapagtanggol ng mga ganid na negosyante at panginoong maylupa na nananamantala sa mahihirap na magsasaka. Ang AFP ay isang mersenaryong hukbo.
Bistado na kasi ang modus ng 20th IB. Sabik na sabik silang hakutin ang mga residente sa mga “peace rally” dahil isa ito sa mga rekisito para maisama ang isang barangay bilang “benepisyaryo” sa Support to Barangay Development Program (SBDP) ng National Task Force-Elcac. Habol nilang patabain ang SBDP na matagal nang lantad bilang pork barrel ng militar at batbat ng anomaliya dahil hindi nagagastos nang maayos. Higit pa, kapalit ng pondo ng SBDP ay ang pagpapatahimik sa makatarungang pakikibaka ng masa para sa kanilang mga karapatan at demokratikong interes.
Taliwas sa nais palabasin ng 20th IB, patuloy na mainit na sinusuportahan ng masa ang demokratikong rebolusyong bayan bilang panangga at pag-asa laban sa pasistang terorismo at pananamantala na hinahasik ng militar. Bigo ang kanilang pekeng “peace rally” na isabotahe ang selebrasyon ng BHB at ng masa sa anibersaryo ng Partido. Lingid sa kanilang kaalaman, nailunsad na sa iba’t ibang larangang gerilya ang sikretong mga selebrasyon.