Pahayag

Hindi kailanman mapapawi ng SIPS ang NPA!

Nananaginip nang gising ang rehimeng US-Marcos II at ang ahensya nitong NTF-Elcac sa idineklara na Stable Internal Peace and Security (SIPS) status nito na sinasabing “wala nang NPA” sa Rizal at sa iba pang probinsya sa CALABARZON. Taliwas sa sinasabing 2024 pa dineklara ang status na ito, napahiya na noong unang bahagi pa lang ng 2025 ang 2nd ID nang magkaroon ng magkasunod na labanan sa Antipolo City at napinsalaan ang kanilang tropa. Aligagang aligaga sila sa kahit bulong na presensya ng NPA sa probinsya at tatambakan nila agad ng tropa nila kung saan man sila makabalita. Patunay na isa itong ilusyon ng tagumpay nila upang mapagtakpan ang kawalang kakayahan na pigilan at tuluyang lipulin ang nagpapatuloy at muling papalakas na NPA — hindi lang sa rehiyon ng CALABARZON kundi sa buong bansa.

Sa kabila ng paulit-ulit na buladas ng mersenaryong tropa tungkol sa kawalan na ng NPA sa Rizal, bakit patuloy pa rin na nakapakat ang 80th IB para isagawa ang sustained ang focused military operations o FSMO? Sa ilalim ng mga operasyong ito, kinakaharap ng mga baryo ang paghaharing batas militar, pagkontrol sa galaw ng mga masa at pagboblokeyo sa pagkain at komersyo. Isa pang dahilan ay upang protektahan ang mga malalaking proyekto ng mga burukrata-kapitalista at mga panginoong maylupa na sumisira sa kabuhayan at buhay ng mamamayang Rizaleño.

Kaliwa’t kanan ang mga kontra-mamamayang proyektong pang-imprastruktura kung saan nagpapatuloy ang pangangamkam ng lupa sa mga lupaing tirahan at taniman ng mga magsasaka, manggagawa at mala-manggagawa sa kanayunan at eryang urban ng Rizal.

Sariwa pa sa ating mga ala-ala ang mga pangyayari sa ating probinsya ang pamamaslang sa mga pinaghihinalaang sumusuporta sa NPA, tortyur, pagdukot, pekeng pagpapasuko, at iba pang masahol na anyo ng paglabag sa karapatang tao ng AFP-PNP-CAFGU sa tulak ng pagdadagdag budget rito ng reaksyunaryong gubyerno alinsunod sa atas ng amo nitong imperyalistang US.

Patuloy ang paninindak at harassment sa pamilya ng isang biktima ng Bloody Sunday Massacre na si Randy Dela Cruz at sa pagbabanta na kakasuhan ang mga katutubong Dumagat at Remontado ng rebelyon sa kadahilanan na lumahok sila sa kilos-protesta para sa SONA ni Marcos Jr. noong nakaraang taon.

Sa kabila ng matinding sitwasyong militar at matinding mga hakbangin ng AFP-PNP-CAFGU para hindi makalapit sa masa ang kanilang tunay na hukbo, patuloy pa rin tayong nakakapagpunyagi at nakakapagpalawak. Isang patunay na rito ang masiglang pagpopropaganda, pag-oorganisa, at paglahok sa produksyon ng mga masa. Sa mahabang kasaysayan ng pakikibaka sa Rizal, hinding hindi nakakalimot ang masa kung paanong napaunlad at pinaglaban ang produksyon at lupa nila kasama ang NPA laban sa mga nangangamkam ng lupa at nambabarat sa kanila. Ang mga matatagumapay na rebolusyong agraryo ay patuloy na napapakinabangan ngayon ng masang Rizaleño. Sa pamamagitan ng puspusan at masusing gawaing pampulitika sa hanay ng mamamayan at sa mahigpit na pagtalima sa prinsipyo ng paglilingkod sa sambayanan, higit na napapalapit ang masa sa tunay nilang hukbo na siyang kasama nila sa pakikibaka sa harap ng tumitinding kahirapan sa bansa.

Hindi kailanman masasaid ang suporta ng mamamayan para sa armadong pakikibaka at pinipili ng malawak na hanay ng kabataan at iba pang sektor sa kalunsuran na lubusang lumubog sa kalagayan ng masa at paglingkuran sila.

Sa gitna ng papalubhang pagdurusa ng masang Rizaleño, lalong lumilinaw ang pangangailangan para sa rebolusyonaryong paglaban. Hinog na hinog ang kalagayan sa buong probinsya upang bigyang direksyon ang galit ng mamamayan na mag-alsa at tumangan ng armas laban sa mga nagsasamantala. Hangga’t nakakubabaw ang imperyalismong US sa bansa, magpapatuloy ang pagdurusa ng sambayanan sa kahirapan at hindi makakamit ang tunay na kalayaan at demokrasya.

Handa ang NAAC-NPA-Rizal na pasubalian ang patuloy na pinalalaganap ng AFP na kasinungalingan na nadurog na ang yunit ng NPA sa Rizal sa pamamagitan ng pagbubuo ng baseng masa, pagsusulong ng rebolusyong agraryo, at mailulunsad pang taktikal na opensiba! Hindi kailanman madudurog ng rehimeng US-Marcos II ang buong rebolusyonaryong kilusan. Hangga’t hindi nito inuugat ang krisis ng lipunan, magsisilbing hindi natutuyong balon na pinagmumulan ng bagong mga Pulang mandirigma ang masang inaapi at pinagsasamantalahan. Patuloy na nadadagdagan ng mga bagong binhi ang BHB na nagbibigay ng bagong sigla para sa pagsusulong ng armadong pakikibaka. Lagi’t lagi, may magpapatuloy ng rebolusyong ating isinusulong hanggang sa makamit natin ang isang lipunan na tunay na malaya sa pang aapi at pagsasamantala!

Mamamayang Rizaleño, sumapi sa Bagong Hukbong Bayan!
Ipagtagumpay ang Demokratikong Rebolusyong Bayan!

Hindi kailanman mapapawi ng SIPS ang NPA!